Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bato: Madugong labanan `pag binokya NTF-ELCAC pondo

0 330

Magiging ‘madugo’ umano ang debate sa panukalang tanggalin ang P19 bilyong pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa anti-insurgency program ng gobyerno.

“I think medyo `madugong labanan’ `yan, pero siguro hindi naman ako nand’yan nag-iisa. `Yong iba d’yan medyo tahimik lang, pero alam ko na kakampi natin `yan hindi lang sila gaanong vocal pero pagdating naman sa pagdepensa ng budget marami naman siguro tutulong sa atin d’yan,” ayon kay Senador Ronald `Bato’ Dela Rosa.

Nauna nang inihayag ng ilang senador na kanilang isusulong ang pagtanggal sa pondo ng NTF-ELCAC kasunod ng pag-red tag ng ilang mga opisyal nito sa mga organizer ng community pantry.

Ayon kay Dela Rosa, hindi tamang tanggalin ang pondo ng NTF-ELCAC dahil kasalukuyan itong ginagamit para sa mga social services project sa mga barangay na hindi na pinamumugaran ng mga rebeldeng komunista.

Binanggit pa ni Dela Rosa, dating Philippine National Police (PNP) chief, na ang kanyang paninindigan para sa NTF-ELCAC ay hindi pamumulitika kundi batay na rin sa personal na karanasan sa paglaban sa New People’s Army.

Ilan sa mga proyekto sa ilalim ng NTC-ELCAC ay health and sanitation, school building, farm to marker road at rural electrification na kinukuwestiyon naman ng ilang senador dahil nadodoble lang umano ang trabaho o mga proyekto ng ibang ahensiya ng gobyerno. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.