Abante Tonite Interactive

Bato: Mga narco-cop uunahin sa balik bitay

425

Isa sa mga panukalang batas na tututukan ni administration senatorial candidate Ro­nald ‘Bato’ dela Rosa kapag nakaupo sa Senado ay ang pagbabalik ng parusang kamatayan laban sa mga drug lord, partikular sa mga elemento ng Phi­lippine National Police (PNP) na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.

Batay sa bilangan ng Co­melec transparency server, kabilang si Dela Rosa sa mga nasa top 12 ng mga senatoria­l candidate.

Nais ibalik ni Dela Rosa ang parusang kamatayan sa mga tinaguriang narco-cop na sangkot sa droga at mahilig ‘magtanim’ ng droga para matuto at matakot na aniyang gumawa ng kalokohan.

Bago pumalaot sa politika ay nanungkulan si Dela Rosa bilang PNP director general at ipinuwesto rin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bureau of Corrections matapos magretiro sa pambansang pulisya.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni PNP spokesperson Col. Bernard Banac na pasok na sa agenda ng PNP ang pag-uusap hinggil sa pagbabalik ng parusang kamatayan kung saan ay suportado nila ito.

Subalit kailangan umanong pag-aralan munang mabuti ang pagbabalik nito at nanawagan na sana ay unahin ang mga may malalaking kaso na tulad ng drug trafficking.

Sinabi pa ni Banac na dapat tiyaking mabuti na hindi pagmumulan ng anumang uri ng pang-aabuso ang pagbabalik ng parusang kamatayan dahil nire­respeto ng PNP ang karapatan ng isang tao o human rights. (W/ Vick Aquino)