Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bato piniga Colonel sa e-sabong konek

0 155

Sinisilip ng Senado ang kaugnayan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Regional Drug Enforcement Unit chief, Lt. Col. Ryan Jay Orapa sa Pitmaster group, ang lisensiyadong e-sabong na may kaugnayan sa Lucky 8 Star Quest Inc. ng negosyanteng si Atong Ang.

Bago nagtapos ang imbestigasyon kahapon ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa mga nawawalang mga sabungero na may kaugnayan umano sa e-sabong, sinabi ni Senator Ronald dela Rosa na may natanggap silang impormasyon na ang misis ni Orapa ay kasosyo ng POV Security Agency, Inc. na may kontrata sa Pitmaster group.

“Hindi kaya ito’y reward ni Atong Ang sayo, sayong mga pabor na binigay mo sa kanya, ‘yung pagbigay sayo ng kontrata?” pag-uusisa ni dela Rosa kay Orapa.

Itinanggi naman ni Orapa ang alegasyon ni dela Rosa at iginiit na lehitimong negosyo ang pagpasok ng kanyang asawa at hindi reward.

“Kaya ako, with my malicious mind, forgive me if I’m malicious dahil dati rin akong pulis. Marunong din akong mag-isip. Naisip ko tuloy na baka reward ‘to ni Atong Ang sayo dahil sa mga pabor na binigay mo, whatever services na binigay mo sa kanya. ‘Yun lang ‘yung sa akin ha. Don’t get offended. Pareho tayong pulis. Nakakaintindi ka how a policeman thinks,” hirit pa ni dela Rosa.

Sinabi naman ni Philippine National Police chief Gen. Dionardo Carlos na maaring pumasok sa kahalintulad na negosyo ang mga kaanak ng pulis hangga’t ito ay lehitimo.

SM food to go Banner Ad

“Sa amin naman po ay napapayagan ‘yung amin pong asawa o kamag-anak as long as legitimate po ‘yung business at ang iniiwasan nga po namin dun ay magamit ‘yung maaaring impluwensiya ng isang pulis doon sa negosyo,” ani Carlos.

Samantala, sinabi ni Justice Undersecretary for Legal Services and Liaison Cluster George Ortha na bibigyan nila ang Senate panel ng rebyu patungkol sa limitasyon ng pagpasok sa negosyo ng mga public servant matapos hilingin ni Senator Francis Tolentino.

“Dapat alam nung nagsu-supervise, alam nung sinu-supervise kung hanggang saan ‘yung hangganan. Ang puno’t dulo naman nito at ang gusto ng lahat ay ma-augment ‘yung income para sa mga pamilya nung mga lingkod-bayan,” ani Tolentino.

Gayunman ay nanga­ko ang Criminal Investigation and Detection Group at National Bureau of Investigation sa Senate committee na magtutulungan sila para isulong ang imbestigasyon upang makamit ang hustisya ng kaanak ng mga nawawalang sabungero.

Kaugnay nito ay binatikos ni Tolentino ang PAGCOR dahil hindi nito napigilan ang operasyon ng online sabong kahit nitong Semana Santa.

Kaliwa’t kanang sumbong ang nakarating sa tanggapan ng senador na tuloy ang ligaya at ‘business as usual’ ang Pitmasters Live ni Atong Ang nitong katatapos lamang na Biyernes Santo.

Isusulong din ni Bato na i-regulate ang e-sabong at limitahan ang operasyon kada Linggo at legal holiday. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.