Abante Tonite Interactive

Bato posibleng manalo, Bong Go imposibleng manalo?

By
680

Si Bureau of Corrections (BuCor) Director at dating PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Special Assistant to the President Bong Go ang pinakamalapit kay Pangulong Duterte ang napapabalitang papasok sa larangan ng politika.

Pero mukhang maglilihis ang landas nila Bato at Bong Go sa pagpasok sa politika kaugnay ng 2019 elections.

Si Bato ang posibleng manalo bilang senador, samantalang hinuhulaan na si Bong Go ay imposibleng manalo bilang senador?

Batay sa pinakahu­ling survey, pumapasok ang pangalan ng dating PNP Chief Bato na nakapaloob sa ‘Magic 12’.

Si Bong Go naman ay kinakailangan pa na makalusot ang panukalang pagpapalit ng sistema ng gobyerno tungo sa pederalismo.

Sa ilalim kasi ng pe­deralismo, 36 ang kailangang ihalal na senador at si Bong Go ay pasok sa mga survey pero sa Magic 36.

Mas karapat-dapat si Dela Rosa na manalo kumpara kay Bong Go dahil ang dating hepe ng PNP ay dumaan na sa maraming pagsubok sa kanyang propesyon bilang pulis at sanay na rin ito sa mga batikos ng media.

Samantalang si Bong Go ay tanging ang pagiging ‘Selfie King’ ang tanging maipagmamalaki nito at laging nakabuntot sa Pangulo.

Marami na rin ang nabubuwisit kay Bong Go dahil sa sobrang epal nito lalo na ang mga nagkalat nitong billboard at tarpaulin na nakabalandra ang hilatcha ng pagmumukha nito at ang maagang pangangam­panya na hindi maipaliwanag kung saan galing ang pondo na ipinamimigay sa tao.

Si Bato ay maaaring makipag-debate sa Senado at puwdeng harap-harapan na umalma sa kapwa senador pero si Bong Go ay wala pang napatunayan na kaya nitong makipagsabayan at makipagtagisan ng talino at tibay ng dibdib sa mga politiko.

Samantala, dapat ay baguhin ni Bong Go ang kanyang estilo sa panliligaw ng boto sa publiko dapat ay ma­ging simple at humble lang at huwag daanin sa pamumudmod ng kung ano-anong materyal na bagay ang botante sa halip ay magpakita ng kakayahan sa pagba­langkas ng batas at mga posibleng imbestigasyon ng Senado sa mga iskandalo sa gobyerno.