Abante Tonite Interactive

Bato tiba-tiba sa pay increase at TRAIN Law

By
8,242

Habang nagdurusa ang marami dahil sa pasanin ng dagdag buwis sa ilalim ng Tax Reform for Acce­leration and Inclusion (TRAIN) law, inaasahan namang bubukol ang bulsa ng pinakamataas na opisyal hanggang sa pinakamababang ranggong pulis ng Philippine National Police (PNP).

Ito’y dahil sa pagpapairal ng Joint Re­solution No. 1 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Enero para sa pagtaas ng suweldo ng uniformed personnel. Kasabay naman ng implementasyon ng TRAIN law, babagsak ang binabayarang buwis ng Director General hanggang sa Police Officer 1.

Ibig sabihin nito, ang kasalukuyang PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ay tatanggap na ng suweldo ngayong Enero sa ha­lagang P121,143 mula sa dating P67,500.

Ang may ranggong PO1 ay sasahod na ng P29,668 simula Enero 15 mula sa dating P14,834.

Sakop din ng pay increase ang Armed Forces of the Phi­lippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Dahil dito, umaasa ang PNP na mababawasan na ang mga tiwaling pulis dahil sa malaking umento sa sahod na inaasahan nilang matatanggap ngayong taon.

Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Directorate for Comptrollership Executive Officer, Chief Supt. Joselito Vera Cruz, sa Enero 15 ay magsisimula ang malaking umento sa sahod ng mga pulis.

Sinabi ni Vera Cruz, na ito na ang magiging paraan para maging maayos na ang takbo ng pamumuhay ng mga pulis dahil malaking tulong ito gayundin ay marami na ang makaiisip na umiwas na maging tiwali pa dahil ma­laki ang mawawala sa kanila kapag may nilabag sa serbisyo.

“Umaasa kami siguro ‘yung mga pulis natin ngayon na nagbabalak na gumawa ng kalokohan o hindi magandang gawain, tiyak mag-iisip na sila ngayon, maiisip nila ‘yung mawawala sa kanilang benepisyo once na mawala sila sa serbisyo o ma-dismiss sila,” pahayag ni Vera Cruz.