Abante Tonite Interactive

Battered wife ng male personality alalahanin ng magulang

1,017

May naalalang kuwento ang isang impormante tungkol sa isang kilalang male personality na nasa ilalim ng microscope nga­yon ang pangalan.

Man of the hour siya ngayon, kanyang-kanya ang atensiyon ng publiko, maraming humanga sa ginawa niyang pakikipag­laban sa pagmamahalan nila ng isang pamosong female personality.

Naging malapit ang source sa pamilya ng babae, naririnig nito non kung ano ang saloobin ng kanyang pamilya, sa biglang pagdinig ay may katwiran din ang pamilya ng babae para mag-alala.

Kuwento ng impormante, “Siyempre, hindi naman natin maiaalis na isipin ng mas nakararami na pera ang concern ng family ng girl. Siya kasi ang naging breadwinner.

“Totoo namang ang girl ang nag-akyat ng su­werte sa pamilya nila, inuna muna niyang asikasuhin ang mga pangangaila­ngan ng family nila kesa sa lovelife niya.

“Natural, ‘yon ang iisipin agad ng marami, ayaw nilang mawala sa kanila ang girl, dahil baka mahinto ang mga biya­yang tinatanggap nila. Pero hindi lang ‘yon ang inaalala nila,” unang sultada ng a­ming source.

Nakarating daw kasi sa pamilya ng babae na mainitin ang ulo ng male personality. ‘Yon ang kanilang inaalala. Baka isang araw ay malaman na lang nilang sinasaktan pala nang pisikal ng lalaki ang babae.

“Nalaman kasi nila ‘yong naging away ng guy at ng isang kilalang male personality. ‘Di ba, nagkaroon sila ng gap non sa isang malaking party ng network nila dahil sa isang girl?

“‘Yon daw ang inaalala nila, mainitin ang ulo nong guy, natanim na ‘yon sa isip nila, kaya kontrang-kontra ang pamilya sa male personality.

“E, hindi naman palaaway ang guy, very disciplined nga siya bilang isang sportsman. Nagkataon lang na nong gabing mapaaway siya, e, walwalan night ‘yon para sa mga artista ng station.

“Sobrang lasing silang lahat, wala sa katinuan, pero hindi naman matindi ang senaryong ‘yon, nagkapikunan lang sila ng male personality!

“Isa ‘yon sa mga wino-worry ng family ng girl, baka raw maging battered wife ang anak nila, dahil nga may temperamento ang karelasyon niya.

“Ngayon pa ba naman sila mag-aalala? Tapos na ang laban, nanalo na ang pag-iibigan!” pagtatapos ng aming impormante.

Mommy Divine kahati sa pera ni Sarah

MRS. Sarah Asher Geronimo Guidicelli na ngayon ang kanyang anak, sa ayaw at sa gusto ni Mommy Divine, hindi kailanman matatapos ang kanilang pagiging mag-ina pero may nagmamay-ari na ngayon sa puso at buhay ng minumutya nilang si Sarah.

Kahit sa Bibliya ay sinasabi, kailangang magpahinuhod ang babae sa kanyang asawa, may sari­ling mundo na ngayon sina Matteo at Sarah labas sa kani-kanilang pamilya.

Napakasakit lang ng senaryo para kay Mommy Divine dahil naganap ang pagpapakasal ng kanyang anak kay Matteo nang wala silang alam. Natutulog sila sa pansitan.

Nagkabulagaan na lang sila. Tapos na ang seremonya nang makarating si Mommy Divine. Sisisihin na lang nito ang matinding traffic kahit gabing-gabi na.

Ayon sa aming source na hindi nanununog at na­ngunguryente ay walang pre-nuptial na naganap. Hindi pumayag si Sarah. Napaka­laking insulto nga naman non para kay Matteo na hindi naman nila basta napulot lang sa pusalian.

Sabi pa ng a­ming impormante, lahat ng kikitain ni Sarah sa mga programa niya sa ABS-CBN ay diretsong mapupunta sa kanyang pamilya, pero ang lahat ng papasok na trabaho sa kanyang kontrata sa Viva Artists Agency ay para sa kanya.

Kahit anong klase ng calculator ang ating gamitin ay panalong-panalo pa rin ang pamilya ni Sarah sa anumang anggulo. Hindi ibinebenta sa pinakamahal mang shop ang pagi­ging mabuti at masunuring anak.

Hindi rin ibinibilao sa palengke ang pagbibigay ng anak sa kanyang pamilya bilang pinakunang prayoridad at pangalawa na lang ang personal niyang kaligayahan.

Panahon na para naman lumigaya si Sarah. At ang kaligayahang ‘yon ay si Matteo lang ang makapagbibigay. Ipagdadamot pa ba naman natin ‘yon sa kanya?

Pakomedyang reaksiyon ng kaibigan naming propesor, “Ano pa ba naman ang kulang? Napasayaw na ni Sarah Geronimo ng Tala ang buong mundo!”
Ha! Ha! Ha! Ha!