Abante Tonite Interactive

Bautista, Avisado self-quarantine dahil kay Cong Yap

0 416

Sasailalim sa self-quarantine ang ilang miyembro ng gabinete na nakasalamuha ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap noong Sabado.

Inihayag ito ng mga opisyal ng Malacañang makaraang mag-positibo ang COVID-19 test ni Yap.

Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Ronaldo Bautista na magse-self quarantine siya bilang pagsunod sa protocol sa COVID-19 positive na nakasalamuha nito.

“Yes po, I will to for self-quarantine ng ilang araw. Wala naman po akong nararamdaman and I feel very good,” ani Bautista.

Sinabi ng kalihim na gusto niyang pumasok sa trabaho ngayong Huwebes, dahil pakiramdam niya ay mas lalo siyang magkakasakit kapag hindi nagtrabaho subalit ayaw aniya nitong kumalat ang coronavirus disease.

Kasama sa pulong noong Sabado sa Malacañang si Budget Secretary Wendel Avisado at bagamat wala aniya siyang direct contact kay Yap ay sasailalim ulit siya ng panibagong self-quarantine.

“Opo kasama namin siya [Yap] although wala kaming direct contact, but just the same, mag-another round na naman ako ng self-quarantine as precautionary measure,” ani Avisado.

Samantala, nilinaw naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na wala si Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado sa Malacañang at sila lamang ang nakasama sa pulong kaugnay sa paghingi ng special powers para sa Pangulo.

Iginiit ni Lorenzana na mayroong social distancing at nakasuot sila ng face mask nang makapulong si Yap. (Aileen Taliping)