Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bawal ang PDA

0 465

Likas na malambing ang mga Pilipino. Kaya hindi na bago sa atin ang PDA o Public Display of Affection. Ang ating pagmamahal sa kapwa, ipinapakita hanggang sa labas ng bahay. Hindi lang mga mag-jowa ang gumagawa nito. Pati mga magkakaibigan at magkakaanak, nagpi-PDA rin. Nakikipag-beso-beso rin para ipakita ang pagkalinga at pag-aaruga sa bawat isa.

Pero ang PDA, bawal muna ngayong hindi pa rin tapos ang paglaban ng bansa sa Covid-19 pandemic, lalo na’t unti-unti na namang dumarami ang bilang ng Covid-19 transmission sa Metro Manila. Muling ipinaalala ng PNP sa publiko na sakop ito ng umiiral na guidelines mula sa Inter-Agency Taskforce on the Management of Emerging Infectious Diseases.

Kabilang sa PDA ang pagyapos, pagbeso, pakikipag-holding hands at paghalik sa labas ng bahay. ‘Automatic violation’ daw ito ng umiiral na health protocols, partikular ang pagtalima sa isang metrong physical distancing. Hanggang ngayon, marami pa ring bawal sa mga pampublikong lugar. Pati mass gathering kung saan posibleng magkaroon ng close contact ang publiko sa isa’t isa, hindi pa rin pinahihintulutan.

Paglilinaw ng PNP, hindi naman daw agad aarestuhin ang sinumang mahuhuling lalabag sa direktibang ito. Sa first offense, verbal reprimand lang muna. Ibig sabihin, pagsasabihan at bibigyan ng warning ang masisita para hindi na ulitin pa sa susunod na pagkakataon.

Sa totoo lang, hindi naman ito para paghiwalayin at gawing corny ang date ng magkasintahan. Para ito sa sarili nating kaligtasan. Hindi biro ang sitwasyon ngayon. Sa kabila ng pagsisimula ng Covid-19 immunization program, dumarami pa rin ang kaso ng coronavirus disease sa bansa. Ang masklap pa, nakapasok na rin sa Pilipinas ang dalawang bagong variants ng Covid-19 – South African at UK variants.

Sa mga magsing-irog dyan, tiis tiis na muna. Puwede pa rin namang ipakita at ipadama ang inyong pag-ibig sa isa’t isa nang hindi naglalampungan sa labas ng bahay. Makuntento na lang muna sa mga virtual hugs and kisses. Kailangan pa ring sumunod sa direktiba ng IATF, hindi lang para iwas asunto, higit lalo para sa kapakanan ng ating kalusugan.

Ganyan din ang payo ko sa mga magkakaanak at magkakaibigang miss na miss na ang isa’t isa. Sa halip na magbeso sakaling mag-meetup, puwede namang magbatian sa pamamagitan ng kindat o kaya’y kiskisan ng siko sa siko. Kahit nga ang pag-apir at pakikipagkamay, bawal dahil baka mailipat ang virus sa pamamagitan ng handshake.

Ang sa akin lang, mas mabuti nang nag-iingat kaysa tayo pa ang maging dahilan ng muling paglobo ng Covid-19 cases sa bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.