Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bawal pa rin ang minors

0 177

Para sa mga bata ang Pasko, ‘yan ang kinamulatan natin sa mga nakatatanda. Dahil kapanganakan ni HesuKristo ang ipinadiriwang natin, mga bata ang silang tunay na bida ng selebrasyong ito.

Paano kaya magsasaya ang mga bata ngayong may pandemya?

Una nang ipinagbawal ng gobyerno ang street carolling na kinagigiliwan pa naman ng mga batang nagbabahay-bahay para sa makaipon ng aguinaldo na bigay sa kanila kapalit ng mga awiting pamasko. Hakbang ito ng pamahalaan para maiwasan ang COVID-19 transmission.

Nito lang isang linggo, nagkumahog na mamasyal sa mall ang ilang magulang kasama ang mga batang anak matapos ianunsiyong puwede nang lumabas ang edad pito pataas basta may kasamang nakatatanda.

Halos siyam na buwan din kasing tila nakakulong sa loob ng bahay ang mga bata dahil sa umiiral na community quarantine. Kaya ipinasyal sila ng mga magulang para makasagap naman ng ibang hangin.

Pero hindi pa nag-iinit ang puwet ng mga chikiting sa pamamasyal, binawi na ng ilang LGU ang unang direktiba gaya rito sa lalawigan ng Cavite. Una nang sinabi ni Governor Jonvic Remulla na puwede nang lumabas ang mga batang edad sampu pataas. Pero matapos lang ang isang araw, agad niya itong ibinalik sa 15 years old hanggang 65 years old na base na rin sa guidelines ng IATF.

Ang Metro Manila mayors naman, nanindigan sa kanilang desisyon – bawal pa ring lumabas ang mga menor de edad. Alinsunod sa utos ng IATF sa mga lugar na nasa ilalim ng gcq, hindi pa rin papayagang lumabas ang mga edad 17 pababa. Ibig sabihin nito, off limits pa rin sa mall ang mga bata.

Ibinase raw ng mga alkalde ang desisyon sa rekomendasyon ng Philippine Pediatric Society at ilan pang health experts. Dahil likas na malikot ang mga bata, baka sila pa umano ang maging ‘super spreader’ o taga-kalat ng coronavirus disease. Nauna nang nagsabi ang DOH na kapag sumipa uli ang active COVID-19 cases matapos ang holiday season, hindi raw mangingimi ang gobyerno na magpatupad uli ng hard lockdown sa malaking bahagi ng bansa.

Sa totoo lang, nakalulungkot na ang mga tunay na bida ng Pasko’y nananatiling nakakulong sa mga bahay at bawal pa ring lumabas. Pero mas mainam na ito sa ngayon kaysa naman sa magsisi tayo sa bandang huli.

Ang dapat gawin ng mga nakatatanda, ituro sa mga bata na hindi lang pamamasyal sa mall o pangangaroling ang kahulugan ng Pasko. Kailangan nating ipadama sa kanila na ang tunay na diwa ng selebrasyon ay pagmamahalan, pagbibigayan at pagpapatawad sa isa’t isa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.