Abante Tonite Interactive

Bawas timbang sa mga pulis sana all!

177

Tapos na ang holiday season at halos iisa ang naririnig sa mga Pilipinong nagpakasaya at nag-enjoy nitong Pasko at bagong taon — tumaba sila o nadagdagan ang timbang.

Kasunod ito ng New Year’s resolution na magda-diet para mag­bawas ng timbang pero hindi naman lahat ay seryoso sa kanilang pangako.

Pero sa hanay ng Philippine National Police, tiyak na marami ang susunod dahil nagpaalala ang pamunuan ng PNP na dapat bantayan ang timbang ng ilang malulusog na ­alagad ng batas at sundin ang ideal na body mass index.

Ang hindi makasunod ay hindi bibigyan ng pagkakataong makapag-schooling na isa sa mga kailangan para sa promosyon o posisyon sa PNP.

Hindi naman mahirap magdiyeta kung ­tutuusin, dahil ang kailangan la­mang ay naka-kundisyon ang isip at disiplina sa katawan.

Mara­ming mga bentahe kapag ma­ayos ang kundisyon ng katawan, unang-una na rito ang hindi pagkakasakit at ang maliksing pagkilos.

Ang masig­lang pa­ngangatawan ay ka­kabit ng masiglang kaisipan na isa sa mga nais maramdaman ng sinomang tao.

Nakasisiguro ako na yaong may mga karamdaman dahil sa iba’t ibang sakit ay umaasang gumaling o umayos sila para makakilos at magawa ang kanilang gusto.

Paano na lang ang trabaho kung ang isang tao ay may mga nara­ramdaman sa kata­wan dahil sa hindi maayos na kalusugan? Siyempre makokompromiso ang hanapbuhay at mababawasan ang kita dahil bibili ito ng mga gamot para sa mga nararamdaman sa katawan.

Marami sa mga ala­gad ng batas ang malusog ang panga­ngatawan, nakikita pa nga ang ilan sa mga ito sa telebisyon, kaya sana ay seryosohin ang pagdi-diyeta sa pagsisimula ng taon.

Mismong ang pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay sang-ayon sa direktiba na magbawas ng timbang ang mga pulis na may sobrang taba sa katawan dahil para rin naman ito sa kanilang kabutihan.

Mas hahanga ang publiko kung makitang maliksi at ­mabilis kumilos ang mga pulis sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

May kahalintulad na ring direktiba si Senador Panfilo Lacson noong hepe pa ito ng PNP pero hindi na naipagpatuloy nang magpalit ng liderato.

Sana sa pagkaka­taong ito ay seryosohin ng mga matataba at may matatambok na pisngi at malala­king tiyan na pulis ang direktiba dahil mas hahanga at irerespeto sila ng publiko kapag nakitang matikas at maganda ang tindig ng mga ito sa kanilang suot na uniporme.