Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bayan muna bago ang sarili

0 54

Sa naging talumpati ni Pangulong Duterte sa national assembly ng PDP-Laban, sinabi niya na dahil sa banta ng kanyang mga kritiko na kakasuhan siya tatakbo na lang siya na Bise Presidente.

Paliwanag ni Duterte ito ay para magkaroon siya ng immunity from suit.

Ang tanong – umiiwas nga ba si Duterte sa mga kaso na posibleng isampa laban sa kanya pagbaba niya sa puwesto?

Ang alam ko at ng maraming Pilipino, tumatakbo sa puwesto ang isang politiko para maglinkod sa Bayan. Yun ang malimit natin na marinig sa kanila.

Kabilang sa nais din nilang gawin sakaling mahalal ay ang ihango tayo sa kahirapan at paunlarin ang bansa.

Pero ngayon lang ako nakarinig na ang intensyon ng isang politiko sa pagtakbo sa darating na eleksyon ay ang makaiwas sa nakaambang mga kaso.

Nasaan na ang accountability para sa isang abusadong lider na itinatakda ng Saligang Batas.

Hindi man ako abogado, naniniwala ako na dapat lamang papanagutin ang sinumang elected official na nakitaan ng paglabag sa batas o umabuso sa kanyang hiniram na kapangyarihan.

Pero ayon sa ilang abogado, walang immunity sa mga kaso si Duterte sakaling maluklok bilang Bise Presidente sa Eleksiyon 2022.

Ayon kay Atty. Edre Olalia, Pangulo ng National Union of People’s Lawyers, nakasaad sa 1987 Constitution na tanging Pangulo lang ang hindi maaaring kasuhan habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin.

Kaya para kay Olalia ang pahayag ng pangulo ng kanyang intensiyon sa pagtakbo bilang bise presidente ay labag sa Saligang Batas at maging sa jurisprudence.

Para naman kay ISAMBAYAN Co-convenor Atty. Howard Calleja, hindi puwede na tumakbo bilang Bise si Duterte.

Ang kagustuhan daw ng pangulo na magkaroon ng immunity ay malinaw na gusto niyang takasan ang batas.

Ang nakakalungkot lang ay ang naging tugon ng tagapagsalita ni Pangulo na si Harry Roque. Ayon kay Roque, “Sino ba naman sina Olalia at Calleja para magkomento sa Pangulo?”

Eh sino ka rin ba Roque?

Baway na bang magbigay ng ibang pananaw o pahayag ang sinuman sa mga mahahalagang isyu ng bayan? Hindi ba ang Pilipinas ay demokratikong bansa pa rin at ang lahat ng opinion ng mamamayan ay dapat pakinggan?

Tama na sabihin na makakaliwa o dilawan ang sinuman na nagbibigay ng paliwanag sa nakikitang pagbaluktot sa batas lalo na’t mismong ang pangulo na ang nagpahayag ng totoong intensyon niya sa pagtakbo bilang bise presidente?

Sawa ka na ba Roque na sabihin na nagbibiro lang si Duterte ang kinikiliti lamang ang isipan ng mga miyembro ng PDP-Laban na dumalo sa pagtitipon?

Sa totoo lang, hindi na kailangan ng isang Olalia at isang Calleja para suriin ng ordinaryong pilipino ang intensyon ng pangulo sa kanyang muling pagtakbo bilang Bise Presidente.

Bayan muna, hindi ang sarili ang dapat na pangunahing interes ng sinuman na nais tumakbo!!! Yun ang dapat sagutin ni Roque.

Bilang abogado, kailangang maipaliwanag ni ROQUE kung may immunity ba from suit si Duterte sakaling manalo ulit.

Ngayon, baka itanong mo pag nabasa mo ito…. eh sino ba si Igan?

Ako ay ordinaryong mamamayan, na nagbabayad ng buwis at naghahangad ng mas magandang kinabukasan para sa aking mga anak at apo.

Kung sini-sino lamang ni Roque sina Olalia at Calleja, paano pa ang ordinaryong mamamayan na may nais iparating sa gobyernong ito?

Sa mga nawalan ng trabaho at hindi nakakatanggap ng ayuda o anumang tulong mula sa gobyerno, SINO rin ba sila? Sa mga naghahanap ng katarungan? SINO rin sila?

Aba eh baka nakakalimutan mo Roqye, sila ang mga boboto kay Duterte bilang BISE PRESIDENTE!!!

At sila rin ang boboto sa iyo kung tatakbo ka sa Senado!

Talaga naman. Minsan ang kaunting poder ay nagdudulot ng kayabangan sa isang nilalang. Lalo na sa mga appointee at di nahalal.

WALANG PERSONALAN.

Leave A Reply

Your email address will not be published.