Abante Tonite Interactive

Bayan Muna: Wala kaming sinabi laban kay Ramon Ang

0 288

Mariing itinanggi ng Bayan Muna Party-list group ang mga lumabas na balitang inakusahan nila si San Miguel Corporation (SMC) president at chief executive officer Ramon S. Ang na may hindi pa nababayarang multi-bilyong utang sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM)

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng Bayan Muna na bagama’t pabor sila na magsagawa ng imbestigasyon sa mga negosyanteng sangkot diumano sa mga kuwestiyonableng kontrata, hindi naman nila partikular na binanggit ang pangalan ni Ang o ng sino pa mang business group o personality.

“No specific statement vs. RSA (Ang),” pahayag ng Bayan Muna.

Naglabas ng pahayag ang Bayan Muna dahil sa serye ng mga lumabas na artikulo nitong Biyernes na sinasabi diumano ng kanilang grupo na dapat bayaran ng South Premier Power Corp. (SPPC) ni Ang ang pagkakautang nito sa PSALM na umabot diumano sa P19.75 bilyon mula noong Disyembre 2019.
Ang SPPC ang nangangasiwa sa 1,200 megawatt gas-fired Ilijan Power Plant sa Batangas.

Paglilinaw pa ng Bayan Muna na wala silang inilabas na pahayag o kahit press release laban kay Ang.

Kasabay nito, pinag-iingat ng grupo ang publiko laban sa mga gumagamit sa kanilang pangalan upang sira­in ang sinumang personalidad o organisasyon para sa kanilang personal na interes. (JC Cahinhinan)