Abante Tonite Interactive

Bayani inaming libre ang airfare nila sa Japan trip

396

Sa presscon kahapon ng pelikulang “Feelennial (Feeling Millennial)” ay natanong sa isa sa bidang si Bayani Agbayani ang tungkol sa naging trip niya recently sa Japan kasama ang ibang artista na supporters ni Presidente Rodrigo Duterte.

Kontrobersyal ang nasabing trip dahil diumano’y sagot daw ito ng gobyerno at umaalma ang mga mamamayan dahil buwis daw nila ang ginastos sa biyahe. Bukod pa dito, bina-bash din sila sa pagiging supporters ni Digong.

Ayon kay Bayani, hindi raw siya puwedeng magsali­ta para sa ibang artista at ‘yung sa sarili lang niya ang kaya niyang sabihin.

“Kasi, alam mo naman ang mga artista, ‘pag lumalabas ng ibang bansa, kanya-kanya sila ng deal, eh. Ang deal ko is magpasaya ng mga kababayan natin, mga Filipino community sa ibang bansa at ito po ay dapat talaga na gastusan naman ng kung sino ang magdadala sa amin du’n. Hindi naman pupuwedeng kami pa rin (ang gagastos).

“Pero ang mahalaga po nito, nasa economy kami, ako ang nagbayad sa asawa ko dahil isinama ko, pero hindi n’yo po kasi alam kung magkano ang ibinabayad sa amin ‘pag nag-a-abroad kami, eh.

“Eto po, libre. Libre, walang bayad kahit singko. Ala­ngan namang ako pa po ang magbayad (ng airfare),” pahayag ni Bayani.

Hindi raw niya alam kung ano ang deal ng ibang artista at hindi naman daw niya ugaling mangialam pa sa mga ganitong bagay.

“Hindi ko na inaalam kung ano ang deal ng bawat artista o kung sino ang kasama kong artista. Ang pinapakialaman ko lang, ‘yung sarili ko at ‘yung kasama ko,” sey pa ng komedyante.

Dagdag pa niya, “At sa totoo po niyan, hindi naman abnormal na magdala ng artista sa ibang bansa. Panahon pa po ni Mr. Marcos, Presidente Ramos, GMA, lahat sila nagdadala ng artista at lahat po ng mga artista na ‘yun, hindi ko alam kung paano ang deal nila, pero para sa amin, libre po kami, mamatay na po ang lahat ng pamilya namin, libre po ito.”

Pati ang pangangampanya raw niya ay libre at willing daw siyang gawin ito hindi lang para sa bayan kundi dahil na rin sa may paniwala siya sa mga naglilingkod.

“At saka isipin n’yo naman, artista po kami, ‘pag lumalabas po kami ng bansa, nasa business class po kami. Eto, economy po kami, nasa tabi pa ako ng tambutso, ang init kaya ng likod ko,” sey pa ni Yani.

Isa sa kasama sa nasabing trip ay si Robin Padilla at kuwento ng komedyante, “Si Robin po, sinasagot niya lahat, siya nagbabayad ng hotel niya, siya nagbabayad ng tiket niya sa eroplano, even noong na­ngangampanya siya at wala siyang hinihingi kahit singkong bayad.”

Ayon kay Yani, ang event ay meet and greet with the Filipino community at nag-perform siya bago magsalita si Pres. Duterte.

Hangga’t maaari ay ayaw nga raw niyang sabihin ang mga ganitong bagay na for free ang kanilang service pero nang lumabas na raw ang mga issue, kaila­ngan naman daw niyang sumagot.

“Kasi, kawawa naman kami. Kami na ‘yung naglilingkod para sa bayan, kami pa ang natitira.

“Kaya ‘yung mga nangba-bash, kaysa mang-bash po tayo, tulungan natin ‘yung gobyerno natin nang umasenso po ang ating bansa,” saad pa ng komed­yante.

Samantala, ang “Feelennial (Feeling Millennial)” ang unang pagsasama nina Bayani at Ai Ai sa pelikula. Matagal na raw silang magkaibigan pero ngayon lang sila nabigyan ng pagkaka­taong magkasama sa big screen. Nagkatrabaho na raw sila dati sa noontime show ng ABS-CBN na “Magandang Tanghali, Bayan” at maliban doon ay hindi na raw sila nagkasama pa ulit.

Mula sa produksyon ng DSL Productions ni Pops Fernandez at ng Cignal Entertainment, showing na ang “Feelennial” sa June 19, directed by Rechie del Carmen.

Kasama rin sa movie sina Nar Cabico, Ina Feleo, Nicole Donesa, Jelai Andres, Sofia delas Alas at marami pang iba with the special participation of Pops, Martin Nievera and Paolo Ballesteros.