Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bayanihan 1 kinilala pero Bayanihan 3 nganga?

0 247

Sa kabila ng mga samu’t saring puna na natatanggap ng administrasyong Duterte sa naging pagharap sa mga problemang dulot ng COVID-19, meron din itong mabubuting nagawa na kinilala pa sa ibang panig ng mundo.

Ang tinutukoy namin ay ang Bayanihan 1 To Heal As One Act na kinilala bilang isa sa global best practices sa pagharap sa problemang dala ng pandemyang COVID-19. Apat na bansa lamang sa buong mundo ang ginawaran ng ganitong karangalan: ang Australia, Norway, Peru at Pilipinas. Ang pagkilala ay ginawa ng International Budget Partnership o IBP, isang independent watchdog na nagtataguyod sa transparent, inclusive, at accountable budget process ng mga pamahalaan sa buong mundo.

Noong nakaraang buwan, pinuri ng IBP ang Pilipinas sa pagsisikap na harapin ang pandemya ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagsasabatas sa Bayanihan 1 at ang kalakip nitong lingguhang ulat upang matiyak na maayos na maipatutupad ang mga programa para sa COVID response.

Malaking karangalan ito para sa bansa. Karangalang maipagmamalaki hindi lamang sa iba pang bansa kundi lalo’t higit dito sa ating sariling bakuran kung saan tila masyado nang maraming nagdudunung-dunungan kung paano dapat harapin ang pandemya.

Ang Bayanihan 1 ay naisabatas noong si dating Speaker Alan Peter Cayetano pa ang lider ng Kamara. Pinagpuyatan ito ng mga kongresista sa kasagsagan ng pag-uumpisa ng pandemya. Ito ang kauna-unahang batas na pinagtibay ng Pilipinas para paghandaan at labanan ang matinding epekto ng COVID-19 sa kalusugan, kabuhayan, at kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Sa pamamagitan nito, inilabas ang P275 bilyon at inilaan sa pagbibigay ng Social Amelioration Program o SAP sa milyon-milyong pamilyang Pilipino. Sa pamamagitan nito, nakabili ang bansa ng PPE ng mga frontliners, testing kits, medical supplies at nakapagtayo ng mga quarantine facilities at isolation centers para sa mga COVID-19 patients.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang Bayanihan 1 ang naging kalasag ni Pangulong Duterte para harapin ang biglang bugso ng pandemya na nagpapahirap ngayon sa buong mundo. At pagkatapos ng Bayanihan 1, mabilis ding naisabatas ang Bayanihan 2 na follow up stimulus package ng Bayanihan 1. Naisagawa rin ito sa ilalim ng liderato ni Cayetano.

Pero nang mapalitan ang liderato ng Kamara, tila nanghina yata ang Kamara at naging patumpik-tumpik ang pagkilos. Hinihintay na ng sambayanan ang Bayanihan 3 pero mukhang pa-chill-chill lang ang panukalang ito sa Kongreso. Nakakadismaya dahil relaks na relaks ang liderato ngayon ng Kamara gayong hindi pa naman nagrerelaks ang pandemya.

Narito pa rin ang COVID-19. Marami pang nagkakasakit. Mas marami na ang nawalan ng trabaho at kabuhayan. Mas marami na ang nagugutom ngayon kaysa noong nag-uumpisa pa lamang ang pandemya. Mas marami na ring negosyong nagsara dahil hindi na nakayanan ang mahigit isang taon nang pagkalugi. Pero bakit nanamlay yata ang ating mga mambabatas. Nanghina na ba sa COVID o nakatutok na sa reeleksyon ang mga solons natin? Baka naman naghihintay lamang sila ng pukpok at ang masertipikahang “urgent bill” ang Bayanihan 3 bago sila kumilos?

Super bagal na nga ang pagpapasa ng Bayanihan 3, super liit pa rin ng nilalaman nitong ayuda para sa sambayanan. P1K ayuda lamang bawat Pilipino ang nakasaad sa Bayanihan 3 at saan na nga ba aabot ngayon ang P1K? Magsisilbi lamang itong limos na dadaan lamang sa kamay ng mga kababayan natin kapag nagkataon.

Excuse me po, hindi pa tapos ang pandemya at tayong lahat ay patuloy na nasa hindi pangkaraniwang sitwasyon. Kaya mga kapita-pitagang mambabatas, kilos na po. Naghihintay na ang mga nagugutom ninyong kababayan!

Leave A Reply

Your email address will not be published.