Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bayanihan 2 at pandarambong sa lupang ninuno

0 388

“Totoong komunal ang pag-aari, pero kung patuloy kayong manggugulo, walang mangyayari. Kaya ako na ang pipili ng investor,” sabi ni Pang. Duterte sa ilang daang mga lumad mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao na tinipon sa headquarters ng Eastern Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines noong Pebrero 1, 2018.

Tinutukoy niya ang ancestral domain o lupang ninuno ng mga lumad – ang mga kabundukan, kagubatan, at kapatagang pinag-ugatan ng mga komunidad ng mga katutubong Pilipino bago pa man dumating ang mga dayong mananakop. Samu’t saring mga dayo, sa anyo ng mga dayuhan at lokal na korporasyon sa mining, logging, energy, at agribusiness, na suportado ng gubyernong pambansa o lokal, ang nagnanasa na kamkamin ang kanilang lupang ninuno at ang taglay nitong likas na yaman.

Mahaba at madugo ang kasaysayang ng pagtutol at paglaban (na minaliit ni Duterte bilang “gulo”) ng mga lumad sa mga mapagsamantalang proyekto ng mga investor, na humuthot ng dambuhalang tubo mula sa mga lupang ninuno habang lalong nagpahirap sa mga lumad at nagwasak sa kapaligiran.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ano’ng nangyari sa bantang ito ni Duterte? ‘Ika nga ng mga oportunista, sa bawat krisis, may pagkakataong kumita. Kabilang sa mga emergency powers na binigay ng Kongreso kay Duterte upang tugunan ang krisis na dala ng pandemya ng COVID-19, may isa (sa katanuyan hindi lang isa) na bumubukol. Sa Section 4(nnn) ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), binibigyan si Duterte ng kapangyarihan na isantabi ang mga rekisitos na itinatakda ng batas (“permits, licenses, certificates, clearances, consents, authorizations or resolutions by national government agencies”) para sa mga pribadong proyekto na tutukoyin ng isang komiteng pangungunahan ng Secretary of Finance, kasama ng mga Secretary Trade and Industry at Environment and Natural Resources. Ayon sa batas, may bisa ang partikular na kapangyarihang ito hanggang sa huling araw ng panunungkulan ni Duterte sa June 2022 o mas matagal pa (“this authority shall be valid during the state of national emergency as declared by the President and the economic rehabilitation period or until the last day of June 2022, whichever is later.”) Tahasang labag ito sa Konstitusyon, na nagtatakda na pansamantala lamang ang bisa ng anumang emergency power na igagawad sa kanya ng Kongreso. Sa kaso ng Bayanihan 2 law, hanggang December 19, 2020 lamang ang bisa nito.

Walang duda na isa sa mga target ng probisyong ito ang rekisito na itinatakda ng Indigenous Peoples’ Rights Act na kailangang magbigay ng pahintulot (“Free, Prior, and Informed Consent’) ang mga lumad bago magamit ng sinumang investor ang kanilang lupang ninuno. Sa bisa ng probisyong ito, hindi na kailangang maglabas ang National Commission on Indigenous Peoples ng Certificate of Compliance upang makapagsimula ang proyekto.

Hapang dinaranas ng mamamayan ang walang kapantay na krisis pangkalusugan at pangkabuhayan dahil sa palpak na tugon ng kanyang administrasyon sa pandemya, garapal na sinamantala ni Duterte ang pagkakataon upang sunggabin ang poder na “pumili ng investor” na makapandarambong sa likas na yaman ng mga lupang ninuno, sa ayaw man o gusto ng mga lumad.

Leave A Reply

Your email address will not be published.