Abante Tonite Interactive

Bayanihan likas sa mga Pinoy

471

Muling napatunayan ang bayanihan sa mga Pilipino sa mga pagkakataong dumaranas ng malaking pagsubok at sakripisyo ang marami sa mga kababayan sa Luzon dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine para makaiwas sa bagsik ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ilang araw matapos ang mahigpit na implementasyon ng enhanced community quarantine ay dumagsa ang tulong sa gobyerno mula sa pribadong sektor at sa mga frontliner na sumasabak para mapigilan ang mas lalo pang pagkalat ng COVID-19.

Sari-saring video at larawan ng mga health worker, sundalo at pulis na kumalat sa social media ang nakatawag ng pansin sa netizens at publiko at naantig ang puso sa ipinakikitang sakripisyo ng mga ito para lamang naproteksiyonan ang mamamayan laban sa bagsik ng COVID-19.

Bilang pasasalamat at pagkilala sa sakripisyo ng mga ito, dumagsa ang mga nag-abot ng tulong lalo na sa health workers na dire-diretso ang duty at kahit na pagod at puyat ay patuloy na ginagampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin.

Mga pagkain mula sa mga malalaking food chain ang ipinapadala aa mga health worker sa iba’t ibang pagamutan, gayondin sa mga pulis at sundalong nagmamando ng checkpoints sa buong Luzon.

Hindi lang ngayon nangyari ang bayanihan, ginawa na rin ito ng mga Pilipino noong panahon ng Marawi Siege at noong pumutok ang bulkang Taal kaya likas na talaga sa pagkatao ng mga Pinoy ang pagdamay sa panahon ng krisis.

Pinuri naman ng gobyerno ang ipinakitang katatagan at tapang ng health workers , pati na ang mga pulis at sundalo dahil sa kabila ng panganib ay matapang na hinaharap ang bagsik ng hindi nakikitang kalaban.

Hindi naman nagpatalo ang mga malalaking kumpanya sa bansa dahil tumugon sa panawagan ng gobyerno na pasuwelduhin at bigyan ng benepisyo ang kanilang mga empleyado kahit hindi pumasok ng isang buwan.

Ipinakita ng mga negosyante ang isang bahagi ng kanilang pagkatao na mapagkawanggawa sa panahong kailangan ng tulong ng kanilang mga manggagawa.

Bumuhos din ang donasyon sa gobyerno mula sa mga mayayamang negosyante sa pamamagitan ng donasyon ng face masks, alcohol at iba pang medical na kagamitan na magagamit para labanan ang COVID-19.

Hindi araw-araw na may bayanihan pero sa panahong kailangan ang damayan at pagtutulungan ay maaasahan ang malasakit at tulong ng mga kababayan.

Sama-sama po tayong magdasal at manalig na malabanan at malalagpasan ng bansa at ng sambayanan ang pagsubok na hatid ng coronavirus 2019.

Para sa mga pasaway na Pilipino, sumunod po sa gobyerno at huwag ng dumagdag pa sa problema ng bansa.