Abante Tonite Interactive

Bayanihan sa panahon ng kalamidad

137

Matinding ­pagsubok ang kinakaharap ­ngayon ng ­maraming mamamayan sa ­Mindanao matapos makaranas ng halos sunod-sunod na ­malakas na lindol nitong nakalipas na linggo na ­nagresulta sa pagkawasak ng kanilang mga tahanan at pagkasira ng mga ari-arian.

Makadurog-puso ang mga larawan at umiikot na video sa social media hinggil sa kalagayan ng mga biktima, bata man o matatanda dahil sa trauma na inabot sa mga sunod-sunod na pagyanig.

Ang mga bata sa mga evacuation ­center ay nagkakasakit na, at ayon sa isang report halos gabi-gabi ay mayroong nagku-kumbolsiyon dahil sa lagnat na sinamahan pa ng ubo.

Nito lamang weekend, umikot sa social media ang mga lara­wan ng mga bata at matanda na namama­limos na ng kahit na ano maitawid lamang ang gutom sa isang araw.

Bagamat agad namang kumilos ang mga ahensiya ng gobyerno para tulungan at alalayan ang mga naapektuhan ng lindol, marami pa rin ang ­nangangailangan ng tulong dahil ­maraming lugar sa Davao del Norte at North ­Cotabato ang ­naapektuhan ng ­kalamidad.

Tubig, pagkain at mga tent para may pansamantalang masilungan ang kailangan ngayon ng mga biktima ng lindol kaya tuloy-tuloy ang panawagan ng mga lokal na opisyal sa mga nasalantang lugar sa Mindanao na sana ay huwag silang pagkaitan ng tulong ng mga nakakaluwag sa sitwasyon.

Sa mga ganitong ­panahon dapat pairalin ang bayanihan ng mga Pilipino para alalayan at tulungan ang mga kababayan na nakakaranas ngayon ng hirap sa Mindanao.

Saludo ako sa mga maagap na nag-abot ng tulong gaya ng ­aktres na si Angel Locsin at maging si Manila Mayor Isko Moreno dahil dito makikita ang kanilang malasakit sa kapwa Pilipino.

Bumisita na rin ang Presidential ­daughter na si Mayor Sara Duterte-Carpio sa ­Cotabato at isa sa mga maagap na ­nag-abot ng tulong sa mga ­nasalanta ng lindol.

Sana naman maantig din ang damdamin ng iba pang personalidad na nakakariwasa sa buhay na mag-abot ng tulong para sa mga kababayan sa Minda­nao sa halip na ipagwagwagan sa social media ang ­karangyaan.

Kagaya na lamang ngayong Undas, ­dumayo pa ang mga ito sa ibang bansa para lamang sa Halloween party na kuntodo pasiklaban ng costume. Naisip kaya nila ang sitwasyon ng mga kawawang ­kababayan sa ­Mindanao ­habang nagsasaya at ­naglulunoy sa ligaya sa ibang bansa?

Kasama ako sa mga nananalangin para sa ­mamamayan ng ­Mindanao na sana matapos na ang kanilang kalbaryo at manumbalik sa ­normal na ­pamumuhay sa lalong ­madaling ­panahon. Huwag mawalan ng pag-asa, kapit lang, may awa ang Maykapal!