Abante Tonite Interactive

Bayanihan sa Taal eruption

728

Sa kabila ng trahedyang dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal, nakakataba naman ng puso ang makitang patuloy ang bayanihan ng ating mga Pilipino sa mga naapektuhan ng sakunang ito.

Limang araw matapos ang mag-alburoto ang Taal, heto’t tuloy-tuloy ang ginagawang damayan ng Pilipino para matulungan ang ating mga kababayan sa Batangas na labis na nasalanta ng trahed­yang ito.

Walang maliit o malaking bagay sa pagtulong sa ating mga kababayan. Kahit sa anong paraan, basta’t makakatulong todo-bigay tayong mga Pilipino. Kilala tayo pagdating diyan.

Nang sumabog ang Taal noong Linggo, makikita ang mga kababayan sa mga kalsada na naglabas ng timba na may tubig, ang iba’y may pressurised water para alisin ang makapal ng abo sa windshield ng mga nagdaang sasakyan. Nakakatuwa hindi po ba.

Ang iba nama’t gumawa ng mga improvised na face mask na gawa sa tela para magamit ng ating mga kababayan na nasa iba’t ibang evacuation center sa Batangas.

Nakakatuwa ring pagmasdan ang mga kababayang nating may-ari ng karindera na isinatabi ang paghahanapbuhay at pinakain nang libre ang ating mga kababayan na nag-evacuate sa kanilang mga kabahayan.

Free food, free drinks—iyan ang ma­ki­kita sa karatula ng kanilang mga tindahan at tahanan. Kahit ang mga ordinar­yong mga tindero’t tindera, nagbigay din ng libreng lugaw, lomi sa iba’t ibang evacuation centers.

May mga animal advocate naman na tumulong sa pag-rescue ng mga naiwang mga hayop sa mga baying malapit sa Taal. Nagdala sila ng mga pagkain para sa mga hayop.

Ang iba’y isinalba ang mga hayop sa pamamagitan ng pagsakay sa mga ginawa nilang balsa. Ang iba’y ginamot at i­nampon ng mga nagmamalasakit nating mga kabababayan.

Namangha din ako sa mga kababayang nating mga magsasaka sa Benguet na nagdala ng trak-trak na mga gulay bilang kanilang relief assistance sa mga nasalanta ng pagsabog ng Taal.

Ang mga kababa­yan din natin mga taga-Pampanga na nakaranas din ng lupit ng pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991 ay nagpa-abot din ng tulong sa ating mga kababayang Batangueno.

May mga nagbigay din ng mga bottled water, food packs at iba’t ibang mga relief package na makakatulong ng malaki na ngayon pansa­mantalang naninirahan sa mga evacuation center.

Makikita rin sa social media ang litratong ng ilang indibidwal na namimigay ng face mask. Hindi nga lang N95, ordinar­yong face mask lang pero malaking tulong para sa tao para hindi malanghap ang abong nagmula sa Taal.

Nakakataba rin ng puso na makita ang ating mga kababa­yan na kinupkop sa kanilang mga taha­nan ang mga kababa­yan nating hindi naman nila kaano-ano. Binukasan nila ang kanilang pintuan para sa kanila. Iyan ang tunay na nagdadamayan.

Hanggang nga­yon, tuloy-tuloy pa rin ang relief ope­ration ng iba’t ibang grupo. Mapapribado man ito o mula sa gobyerno. Kasi nga naman, wala pang kasiguruhan kung kailan sila makakabalik sa kanilang mga ta­hanan dahil tuloy-tuloy pa rin ang pag-alburoto ng Bulkang Taal.

Pero sa kabila nito, kahit hindi pa natin kung kelan matatapos ang trahedyang ito, isa lang ang may kasigurahan sa oras na ito, na tuloy-tuloy pa rin ang ‘spirit of bayanihan’ nating mga Pi­lipino. Hindi mawawala ‘yan dahil likas ‘yan sa ating mga Pilipino.