Abante Tonite Interactive

Bayaw binaril sa selos

334

Patay ang isang 30-anyos na lalaki matapos barilin ng bayaw nitong nagselos dahil sa pagiging malapit sa kanyang misis kamakalawa sa may Plaza Ruiz, Binondo, Maynila.

Nailipat pa sa Philippine General Hospital mula sa Justice Jose Abad Santos General Hospital bago nasawi ang biktimang si Haslem Casim y Makasil, vendor, taga-58 Constitutional Road, Batasan Hills Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PSMS. Bernardo Cayab­yab, ng Manila Police District-homicide section, naganap ang insidente alas-2:30 ng hapon sa nabanggit na lugar kung saan may tindahan ang biktima at suspek.

Una na umanong binalaan ng suspek na si Samanudun Cawasa ang biktima na iwasang makipagmabutihan sa kanyang misis pero nagpatuloy pa rin umano ang biktima.

Hinala ng suspek na may bawal na relasyon ang kanyang misis at bayaw kaya napatay nito sa selos si Casim.

Alas-5:20 ng hapon nang ideklarang patay ang biktima sa PGH.
Tinangka pa ng suspek na tumakas pero kaagad din siyang naaresto. (Juliet de Loza-Cudia)