Abante Tonite Interactive

Bayaw sinaksak ng basag na bote ng 17-anyos

253

Sa edad na 17-anyos, wanted na sa batas ang isang binatilyo matapos saksakin sa leeg ang kanyang bayaw­ makaraang maistorbo sa himbing na pagtulog kamakalawa sa Valenzuela City.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad si Randy (‘di tunay na pangalan), 17, ng Valenzuela City.

Nakaratay naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Ferdinand Garado, 30, welder, kasama sa bahay ng suspek. Nagtamo ito ng malalim na saksak sa leeg.

Sa ulat ng Station Investigation Unit (SIU) ng Valenzuela Police, tulog ang suspek sa kuwarto nito nang dumating si Garado na nakainom alas-11:30 nang gabi.

Nabatid na nagkadiskusyon ang biktima at live-in partner nito na si Dia­na Rose Padilla, kapatid ng suspek.

Dahil sa ingay, nagising si Randy at sinaway ang mag-live in na ikinagalit din ng kanyang bayaw.

Nang magkainitan ay kumuha ng dalawang basag na bote ng alak si Randy at sinaksak sa leeg ang bayaw­ sabay takas.
Isinugod naman ni Diana Rose sa nasabing pagamutan ang kinakasama.

Nahaharap ngayon sa kasong frustrated homicide si Randy.