Abante Tonite Interactive

Bea bet makatrabaho sina Enrique, Daniel, Joshua

0 361

Bukas na, September 9, ang pilot episode ng bagong drama series ng GMA-7 na “Beautiful Justice”. Bida rito sina Bea Binene, Yasmien Kurdi at Gabbi Garcia.

Makakatapat nito ang “FPJ’s Ang Probinsyano”, na pinagbibidahan ni Coco Martin.

Aminado si Bea na may kaba siyang nararamdaman sa pagtatapat ng serye nila sa serye ni Coco. Halos lahat kasi ng tumapat sa “FPJ’s Ang Probinsyano” ay hindi nagtagumpay, kaya namaalam na agad sa ere. Hindi natibag sa rating ang naturang serye ng Kapamilya network.

Sabi ni Bea, “Parang kahit naman po siguro sinong itapat, parang kakabahan po, ‘di ba? Sabi ko nga po sa kanila (GMA-7), ‘Sigurado po ba kayo?’ Pero ano eh, trabaho eh. Ganu’n naman po talaga.

“Hindi naman po namin call ‘yun. Nagtitiwala ‘yung network na maganda ‘yung show at magugustuhan ng tao. So magtiwala po tayong lahat,”sabi ni Bea.

Dagdag niya, “Pero ano, siguro, sabi ko nga, sana po hindi nila makita ang ‘Beautiful Justice’ as something na katapat lang ng ‘Probinsyano’. Sana po kapag napanood nila, bigyan nila kami ng chance nang walang bias. ‘Yung kahit ano lang, first week lang, panoorin lang nila nang wala munang bahid ng anything, dahil maganda ‘yung story.

“Bigyan po nila ng chance ‘yung story. And very relevant and current din po kasi ‘yung issues na pinapakita at tinatalakay sa show.”

Ang kaibigan at kasamahan ni Bea sa GMA Artist Center na si Alden Richards ay nakatambal na sa pelikula ang Kapamilya talent na si Kathryn Bernardo via “Hello, Love, Goodbye”. Given a chance, sino ang gustong makatrabaho ni Bea sa mga aktors ng ABS-CBN 2?

“Parang ano… kahit sino. In fairness naman kasi sa mga guys nila, like si Enrique (Gil), Daniel (Padilla), si Joshua (Garcia), ang huhusay umarte, ang gagaling, ‘di ba?

“So parang kahit sino ang makatrabaho ko sa kanila… parang magtutulungan talaga kayo, maghihilahan kayo pataas,” pagtatapos niya. (Rommel Placente)