Abante Tonite Interactive

Beam ng Skyway bumagsak, nagpatrapik sa NLEX

434

Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Quezon City ang pagbagsak ng coping beam ng ginagawang Skyway Stage 3 habang ikinakabit ito Linggo nang madaling-araw.

Pasado alas-kuwatro ng madaling-araw nang bumagsak ang coping beam sa may NLEX-Camachile.

Sanhi nito, nagsikip ang daloy ng trapiko sa magkabilang linya ng NLEX patu­ngo sa Balintawak at Camachile.

Ayon sa NLEX Corporation, kumalas ang coping beam mula sa hook nito habang inilalagay at tuluyang bumagsak. Wala namang iniulat na namatay o nasaktan sa insidente. Humingi rin ng paumanhin ang NLEX sa mga motorista dahil sa abalang idinulot ng insidente.

Ipinahayag naman ni Reggie Garcia, Skyway rigging engineer, hindi pa nila matukoy ang dahilan kung bakit bumagsak ang coping beam.

“Noong maiangat nagkaroon ng problema doon sa lifting log pero ‘yun ay nasa design naman. Wala namang may gusto bumigay ‘yung lifting log,” ani Garcia.

Paliwanag pa ni Garcia na ang lifting log ay ang kinakabitan ng kadena ng crane. Mayroong apat na lifting log sa coping beam at dalawa rito ang nasira. (Dolly Cabreza/­Edwin Balasa)