Abante Tonite Interactive

Beauty salon sa Marikina hinoldap

315

Pinasok ng dalawang armadong lalaki na parehong naka-helmet at jacket ang isang kilalang beauty salon sa Marikina City Sabado nang hapon at nilimas ang mga pera at mamahaling cellphone ng mga customer nito gayundin ang kinita ng nasabing establisimyento.

Ayon kay P/Col. Restituto Arcangel, hepe ng Marikina Police, nagsasagawa na ngayon ng follow-up operation ang kanyang mga tauhan para masakote ang dalawang suspek na nangholdap sa GAB Pigmentation Beauty Salon na matatagpuan sa MEC Building 2 sa Brgy. San Roque bandang ala-una nang tanghali.

Armado ng baril ang mga suspek nang holdapin ang mga kostumer at empleyado ng beauty salon.

Nakuha mula sa mga kostumer ang iba’t ibang klase ng cellphone at bag at wallet na naglalaman ng P60,000 kabuuang halaga at tinangay din ang kinita ng salon na P25,000.

Nakita sa CCTV footage ang mga suspek na sumakay ng motorsiklo sa kanilang pagtakas patungo sa Marcos Highway. (Vick Aquino)