Abante Tonite Interactive

Beauty tips gamit ang aloe vera

1,156

Alam n’yo bang malaki ang naitutulong ng ha­lamang aloe vera o sabila sa kagandahan?

Base kasi sa pag-aaral, ginagamit ang katas ng dahon ng sabila at ipinapahid sa balat upang manumbalik ang kagandahan.

Bukod sa pampaganda, gamit din ang aloe vera sa mga natalsikan ng mantika at sa mga sugat. Malakas ang taglay nitong kemikal at sustansya na nakapagpapagaling.

Ang aloe vera ay may taglay na iba’t ibang uri ng vitamins, enzymes, minerals, sugar, lignin, saponins, salicylic acids at amino acids. Mayroon itong aloin, barbaloin, isobarbaloin resin, (sicaloin; emodin; cinnamic acid; b-arabinose; oxidase), cinnamic acid, coumarins, at volatile oil na kadalasang sangkap ng mga beauty products.

Nalulunasan din ng sabila ang mga may ba­lakubak. Ang katas at laman ng sariwang dahon ng sabila ay karaniwang gamot para sa balakubak na pinampapahid sa apektadong anit at para maiwasan ang pagkalagas ng buhok at paghantong sa pagkapanot. Maaaring ipahid sa bahagi ng ulo na may pagnipis na buhok ang dahon ng aloe vera.

Maaari namang ipangtapal sa bahagi ng katawan na may pamamanas ang dinikdik na dahon ng sabila. Mabisa para sa kondisyon ng pagtatae ang pag-inom sa katas ng sabila na hinalo sa gatas.

Ang paso ay maaaring pahiran ng katas mula sa sariwang dahon ng sabila. Makatutulong ito upang maibsan ang hapdi at maiwasan ang pinsala sa balat. Ang katas ay maaari ding ihalo sa langis ng niyog upang mas lalong maging mabisa.

Nakatutulong din sa mas mabilis na paghilom ng sugat ang pagpapahid ng katas ng dahon ng sabila. (Vick Aquino)

Tonite – Wendys Inhouse Ad