Abante Tonite Interactive

Bebot binaril, sinunog ang mukha

346

Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang hindi pa kilalang babae na natagpuang sinunog ang mukha at may mga tama pa ng bala sa katawan sa tabing kalsada sa Barangay Patitinan sa bayan ng Sagnay, Camarines Sur.

Inaalam din ng pulisya kung ginahasa muna bago brutal na pinaslang ang nasabing biktima dahil sa wala itong pang-ibabang kasuotan nang matagpuan sa tabing kalsada sa Sitio Rawis ng nabatid na barangay dakong alas-siyete nang umaga.

Ayon kay P/Maj. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, isang Bernard Corderes ang nakatagpo sa bangkay.

Agad naman nitong ini-report sa awtoridad ang namataan kung saan mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng imbestigasyon.

Lumalabas sa ulat ng Sagnay Municipal Police Station na posibleng sa nasabing lugar mismo brutal na pinatay ang babaeng biktima patunay ang mga basyong bala na natagpuan sa tabi ng bangkay nito.

Posible umanong binaril muna bago sinunog ng hindi pa kilalang mga suspek ang mukha ng biktima upang hindi ito makilala.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang masu­sing imbestigasyon ng pulisya para makilala ang biktima gayundin ang mga suspek na gumawa ng krimen. (Edwin Balasa)