Abante Tonite Interactive

Bebot binugbog ng inutangan

411

Ni Armida Rico

Sugatan ang isang babae sa Brgy. Upper Bicutan, Taguig City nang bugbugin ng isang lalaki dahil lamang sa pagkakautang umano ng biktima kamakalawa nang gabi.

Agad naman nalapatan ng lunas sa Taguig-Pateros Hospital ang mga tinamong sugat sa mukha at katawan ng biktimang si Claudine Calvez, nasa hustong gulang.

Samantala, arestado naman ang suspek na nakilalang si Cesar Larique, 39-anyos, na residente rin ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat kay Taguig City Police chief Sr. Supt. Alexander Santos, dakong alas-otso ng gabi nang maganap ang insidente sa Reposar St., Brgy. Upper Bicutan kung saan habang nakaupo ang biktima at nakikipag­kuwentuhan sa ilang kaibigan ay dumating ang suspek.

Kinompronta umano ng suspek ang biktima dahil sa utang nito na hindi binanggit kung magkano. Pero nauwi sila sa pagtatalo hanggang sa pinagsusuntok ng suspek ang biktima.

Agad naman nakarating sa mga barangay tanod at pulis ang insidente kaya nasakote ang suspek na binitbit sa presinto at nakatakdang sampahan ng kaso.