Abante Tonite Interactive

Bebot binurdahan ng 15 saksak

0 267

Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang babae makaraang pagsasaksakin ito sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan sa Quezon City noong Linggo nang gabi.

Batay kay P/Lt. Nick Fontanilla ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit nakilala pa lamang sa alyas na ‘Apple’ ang biktima na nasa 30-35 ang edad, may tattoo na bulaklak sa kaliwang braso at tribal tattoo sa likuran.

Nabatid na may tatlong araw pa lang umanong nangungupahan ang biktima at ang mister nitong diumano’y jeepney driver, sa Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City.

Pinaghahanap pa ang hindi pa nakikilalang mister ng biktima upang makapagbigay-linaw sa insidente.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Bienvenido Ribaya, naganap ang krimen dakong alas-9:30 nang gabi sa harap ng Philippine Science High School sa Agham Road, Brgy. Bagong Pag-asa.

Ayon sa isang Jun Badilla, nakita na lamang niyang nagtatatakbo ang biktima galing sa looban ng Agham Road patungo sa kalsada at humihingi ng tulong.

Sumakay umano ito sa isang pedicab at umupo saglit ngunit bigla na lang nag-collapse at nawalan ng malay.

Palaisipan pa sa mga awtoridad kung sino ang may kagagawan ng krimen pero nabatid umano na nasa drug watchlist ang biktima. (Dolly Cabreza)