Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bebot ginapos sa beach, biniyak tiyan

0 260

Isang bangkay ng babae na pinaniniwalaang pinahirapan muna bago brutal na pinatay ang natagpuang nakalutang sa dagat sakop ng bayan ng Sta. Cruz, Davao del Sur kamakailan, ayon sa ulat ng pulisya nitong Lunes.

Ayon sa ulat ng Sta. Cruz Municipal Police Station, mismong ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard ang nakadiskubre sa hindi pa kilalang bangkay ng babae na palutang-lutang sa dagat malapit sa baybayin sakop ng Brgy. Zone 3 ng nasabing bayan nitong Sabado.

Dahil walang nakakakilala sa biktima sa lugar, pinaniniwalaan ng pulisya na mula ito sa katabing bayan o probinsya at inanod lang ng malakas na alon patungo sa lugar.

Ayon sa pulisya, base sa itsura ng bangkay ng biktima, brutal ang ginawang pagpapahirap dito bago pinatay matapos igapos ang leeg nito hanggang sa paa ng nylon rope at itali sa isang lalagyan na mayroong semento.

Nakagapos din ng masking tape ang mga kamay at paa ng kaawa-awang biktima.

Hiniwa rin ng hindi pa kilalang mga suspek ang tiyan ng babae habang ang kanyang mukha ay tila hinampas ng isang matigas na bagay kaya halos hindi na makilala ang itsura niya.

Base naman sa itsura ng biktima, sinabi ng pulisya na ito ay tinatayang nasa edad 25 hanggang 35, may taas na 5’2”, at maputi ang kutis.

Mayroon din siyang tattoo sa kilay, pustiso ang itaas na bahagi ng ngipin, at blonde ang kulay ng mahabang buhok.

Nakasuot ang biktima ng kulay itim na skirts at kulay berdeng long sleeves.

Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima at kung ano ang motibo sa malagim na pamamaslang sa kanya.

Nananawagan din ang pulisya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon hinggil sa krimen na huwag matakot at lumantad upang makatulong sa pagresolba ng kaso. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.