Abante Tonite Interactive

Bebot nabundol ng bus, todas

192

NASAWI ang isang ‘di pa naki­kilalang babae matapos na mabangga ng isang pampasahe­rong provincial bus habang tumatawid, kahapon nang umaga sa Sampaloc, Maynila.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) dakong alas-siyete nang umaga ang biktima na inilarawang nasa edad 35-45.

Sa inisyal na ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naaresto naman ang driver ng Victory Liner na may plate number CXS954 na may biyaheng Manila-Tuguegarao na si Nicasio Ranay Tumolva Jr, 39-anyos, residente ng Purok 1 Alibagu, Ilagan, Isabela na sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Naganap umano ang insidente dakong alas-3:30 nang madaling-araw kahapon, habang pabalik na sa terminal ng Victory Liner ang nasabing bus na bumabaybay sa pakanlurang bahagi ng España Blvd. sa Sampaloc, Maynila.

Nabatid na bigla umanong tumawid ang biktima mula sa Maceda St., kaya siya nahagip ng kaliwang bahagi ng bus.
Bumagsak umano ang bikti­ma habang ang dambuhalang sasakyan ay humarurot patakas.

Dumating naman ang mga tauhan ng Manila Police District -Police Station 4 at sumaklolo din ang Philippine Red Cross na agad na nagdala sa biktima sa pagamutan.

Naaresto naman ang driver ng bus na natunton sa kanilang terminal sa isinagawang follow-up operation.

Sinabi ni Tumolva na natakot siya at hindi alam ang gagawin nang makitang nadisgrasya niya ang biktima kaya nagpasiyang dumiretso sa kanilang terminal. ­