Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bebot sinalpok ng fire truck, nabulag

0 291

Malubhang nasugatan ang isang babae na naglalakad lang sa bangketa at wasak naman ang isang nakaparadang kotse habang muntik mahagip ang isang nagmomotorsiklo makaraang suyurin ang mga ito ng isang trak ng bombero na nagpagewang-gewang sa kalsada, Linggo sa Pateros.

Kinilala ang babae na si Annie Tiar, na kinakailangang tanggalin ang isang mata na naapektuhan sa aksidente.

Samantala, nakakulong na sa Pateros Police Station ang drayber ng firetruck na nakilalang si Fire Officer 2 Ramon Lactao II, miyembro ng Pateros Bureau of Fire Protection.

Sa ulat ng Pateros police, naganap ang insidente Linggo ng gabi, sa kahabaan ng Barangay Magtanggol ng nasabing bayan.

Naglalakad si Tiar kasama ang kaibigang si Sam sa bangketa ng kalsada nang mamataan ng huli ang trak na pag-aari ng Pateros BFP.

Suwerteng nakailag si Sam sa bunggo ng trak pero nahagip si Tiar na tumilapon matapos mabundol.

Dahil sa bilis ng takbo ay hindi huminto ang trak at binundol pa nito ang isang nakaparadang kotse. Pagkatapos, muntik nitong mahagip ang isang motorcycle rider na nakatalon mula sa kanyang motor.

Aminado ang hepe ng Pateros BFP na si Carl Blando na may human error sa insidente at ang may kasalanan umano ay si Lactao na sinampahan na ng kaukulang kaso at hindi raw nakainom nang maganap ang pangyayari. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.