Abante Tonite Interactive

Beermen babalikwas kahit walang Romeo, Ross

451

Kahit kulang ang lineup, pipilitin ng San Miguel Beer na bumawi sa tambakang 121-88 loss sa NorthPort nitong Miyerkoles.

Sa unang salang sa PBA Commissioner’s Cup tatlong linggo tapos itaas ang panlimang sunod na titulo ng Philippine Cup, nabugbog nang husto ang Beer.

Naka-street clothes na dumating sa Smart Araneta Coliseum sina Chris Ross at Terrence Romeo dahil sa injuries. Wala sina Kelly Nabong at Ronald Tubid dahil inumpisahan nang bunuin ang tigatlong larong suspension sa insidente nang patulan ang lalaking naka-costume ng Spider-Man na nambulabog sa Game 6 ng all-Pinoy finals.

Kontra Batang Pier, naglista ng 17 turnovers ang SMB na naging 21 points ng NorthPort. Nadomina rin ang Beermen sa rebounds 64-44.

‘Di pa makumpirma kung lalaro na si Romeo mamaya kontra TNT KaTropa sa Petron Blaze Satur­day Special sa Ynares Center, Antipolo. Si Ross ay siguradong wala pa.

Si Ross ay may torn meniscus na nakuha sa Game 5 ng Philippine Cup semis pa kontra Phoenix. Sa Game 7 ng Finals kontra Magnolia, nasaktan naman ang kanyang balikat.

“I could’ve played (vs. NorthPort), I try to play through as many injuries as I can,” ani Ross. “I want to play next game, let’s see what the coaches say.”

Mukhang malabo, dahil dapat nga ay sasailalim na siya sa surgery pero mawawala siya sa buong elimination round ng midseason conference. Nagdesisyon ang Fil-Am guard na pagkatapos na lang ng torneo siya magpapa-opera. (Vladi Eduarte)