Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Beki mukhang pusa sa kakakain ng sinuka

0 221

Dumura nu’n sa langit ang isang pamosong becking personalidad laban sa isang TV network.

Pero sa mismong ulo niya bumagsak ang kanyang dura.

Kung lait-laitin niya ang istasyon ay parang wala nang bukas na darating, pinagtatawanan niya ang mga programa ng network, ganu’n siya katinding mang-okray.

Kuwento ng isang source, “Wala naman kasing pinipiling laitin ang baklang ‘yun! Ipinakikita lang niya kung saan siya nanggaling! Sobra siyang makapamintas, kung mang-insulto, balahura ang dila niya!” panghuhusga ng aming impormante sa pamosong baklang personalidad.

Pero umikot ang gulong ng buhay. Ang pinipintasang istasyon ng mapanglait na baklita ay nagsilbing salbabidang may hangin sa kanilang pagkalunod.

Balik-chika ng aming source, “Ano na ang masasabi niya ngayon? Pagtatawanan pa rin ba niya ang TV network na sumalo sa kanila? Lalaitin pa kaya niya ngayon ang istasyong sinisiksikan ng mga shows ng ipinagmamalaki niyang network?
“Sino nga ba naman ang mag-aakala na ang higanteng istasyon nila, e, magmimistula na lang palang librong pagkatapos basahin, e, isinarado na lang?

“Leksiyon na ‘yan sa baklitang mapanglait. Huwag nagsasalita nang tapos. Huwag magsusunog ng tulay, dahil du’n din naman pala sila tatawid!” inis pang komento ng aming impormante.

Maraming isinuka ang baklang personalidad na kailangan niyang kainin uli ngayon. Magmumukha siyang pusa sa kakakain ng isinuka na niya.

“Ilang beses nang nakita ng publiko ang ganyang senaryo, magkakaiba nga lang ang casting. Akala kasi ng mga sikat na personalidad, e, wala nang katapusan ang kanilang ningning.

“Ganyang-ganyan din nu’n kabalahura ang isang sexy actress na porke naaaliw sa kanya ang manonood, e, inakala niyang tama ang mga pinaggagagawa niya!

“O, nu’ng magluka-lukahan siya at mawala na ang ningning niya, nakakapanglait pa ba siya? Waley na, nganga na siya, dahil bina-bash na siya dahil wala nang naaaliw sa kanya!

“Ganyan din ang mangyayari sa baklitang laitera na ‘yan! Kapag hindi na sumisipa ang career niya, kapag naglaho na ang popularity niya, e, nganga rin ang aabutin niya!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.
-o0o-
Mocha ‘nakarma’ sa buntis isyu kay Robin

Personal na opinyon ng nakararami ay na-karma lang si Mocha Uson sa paglutang ng kuwentong nagdadalantao siya na ang itinuturong ama ay si Robin Padilla.

Walang katotohanan ang lumabas na blind item, sabi ng magkabilang kampo, pero maraming naalala ang mga kababayan natin sa nangyari kay Mocha.

Sabi ng isang source, “Now she knows already what retribution is! Siya ang mahilig magpalabas nu’n ng mga fake news, ngayong siya ang napuntirya, e, galit na galit siya!

“Sino ba ang nagpakalat nu’n na pregnant si VP Leni Robredo? Siya ‘yun, di ba? Kung anu-anong pekeng balita ang inilalabas niya, pero ngayon, e, siya ang sumisigaw na fake news ang balitang nagdadalantao siya kay Robin Padilla!” madiing komento ng aming kausap.

Sa kanyang pahayag ay sinabi ni Mocha na ang nagpromotor sa kuwentong buntisan ay ang mga bitter na tagasuporta ng bise-presidente dahil mababa ang numero nila sa survey sa pagtakbo sa susunod na panguluhan.

Sagot ng isang netizen sa kanyang pambibintang, “Wala na bang ibang puwedeng isangkalan si Mocha kundi si VP Robredo? Siya ang bitter! Nagpakalat siya nu’n ng fake news na buntis si VP Leni!

“Ngayon, e, siya naman ang napagdiskitahan! Karma is real!” pahayag ng source.
Isang kuwento ito ng buntisan na nauwi na naman sa kulay ng pulitika.
(30)

Leave A Reply

Your email address will not be published.