Abante Tonite Interactive

Bela mukhang gusgusin

544

Mapapanood niyo ang kakaibang Bela Padilla sa kanyang pagganap bilang isang ex-military sniper sa pelikulang “Mañanita”.

Mula sa direksyon ni Paul Soriano at panulat ni Lav Diaz, ang “Mañanita” ay tungkol sa isang ex-military sniper na si Edilberta. Matapos matanggal sa posisyon sa militar, tumanggap siya ng isang trabaho na babago sa kanyang buhay. Pinapakita sa pelikula kung ano ang nangyayari ‘pag tinanggalan ang isang tao ng layunin sa buhay, pero pilit pa rin itong hinahabol at sa huli ay ito rin ang papatay sa’yo. Binase ang pelikula sa “OPLAN MAÑANITA”, isang anti-drug campaign na nagsimula sa Davao City noong 2016. Sa programa, kumakatok ang mga pulis sa bahay ng mga drug suspect at hinaharana sila upang talikuran na nila ang iligal na droga.

Kilala si Bela sa kanyang roles sa romantic movies gaya ng “100 Tula Para Kay Stella”, “Meet Me in St. Gallen” at “The Day After Valentines”. Kaya naman ang kanyang rugged at minsan ay gusgusin na ayos sa “Mañanita” ay ikagugulat ng kanyang mga fan.

Inamin ni Bela na hindi naging madali para sa kanya physically at mentally ang paghahanda at pag-shoot ng pelikula.

Para mag-ready sa kanyang role, kinailangan ni Bela na mag-train sa isang military camp upang matuto ng tamang pag-assemble at paghawak ng rifle. Pinagmalaki ni Bela na kaya na niyang mag-assemble ng rifle sa loob ng isang minuto. Kinailangan ding magsuot ng aktres ng prosthetic sa isang parte ng kanyang mukha at leeg mula simula hanggang matapos ang pag-shoot ng pelikula. Dumagdag pa sa challenge na nag-shoot ang pelikula sa mga panahong tinala ang isa sa mga pinaka-mainit na summer na naranasan dito sa bansa. Pero sa gitna ng lahat ng pinagdaanan niya sa shooting, ang paggawa ng “Mañanita” ay napaka-rewarding sa kanya personally at career-wise.

At tunay ngang nagbunga ang kanyang mga paghihirap dahil napili ang “Mañanita” bilang isa sa mga finalists sa prestihiyosong 32nd Tokyo International Film Festival. Sa walong Pinoy movie na chosen para sa film festival, tanging ang Mañanita ang napili para sa main competition. Umani rin ng mga positibong pagtanggap ang “Mañanita” mula sa audience ng nasabing filmfest. Para kay Bela, naging sulit ang lahat ng kanyang paghihirap at sakripisyo para gawin ang pelikula.

Showing na ang “Mañanita” mula sa Ten17P at Viva Films. (Roldan Castro)