Abante Tonite Interactive

Belmonte nag-sorry sa kapalpakan

1,514

Humingi ng sorry sa kanyang mga nasasakupan si Quezon City Mayor Joy Belmonte dahil sa mga nagawa niyang mali at kapalpakan sa pagseserbisyo sa gitna ng tumitinding crisis na dulot nang paglaganap ng COVID-19.

Sa official statement ni Belmonte , unang pinapurihan nito sa ikatlong linggo ng enhanced community quarantine ang mga health frontliner na patuloy na nagsasakripisyo para malabanan ang pagkalat ng virus

“Taos-puso po akong nagpapasalamat at sumasaludo sa mga nagsisilbi sa mga ospital, sa mga lansangan, sa kani-kanilang barangay at sa iba’t-iba pa pong lugar na nangangailangan ng tulong at serbisyo. Kayo po ang mga tunay naming bayani sa krisis na ito, at patuloy kong ipinapanalangin ang inyong kaligtasan,” sabi pa nito.

“ Kasabay ng paghahanap pa ng mga paraan para mas mapabuti ang aming serbisyo sa ating mga komunidad, nais ko rin pong hingin ang pagkakataong ito para humingi ng paumanhin sa inyo,” dugtong pa ng alkalde

“First, I sincerely apologize for losing my composure on social media. You are correct that all the projects implemented by the QC government belong to you, as they are funded by your taxes. When I was elected as Mayor, I was given the honor and privilege to serve all QC residents, regardless of political affiliation. Pero alam kong isang malaking pagkakamali na nakapag-post ako ng mga salitang taliwas dito. Inaamin ko po na nagkamali ako,” pahayag pa nito.

Humingi din ito ng dispensa sa ipinamahaging mga health kit na `Joy Para sa Bayan’ . Inamin nito na mga leftover na donasyong bag ang ginamit nito dati sa kampanya , na aniya’y hindi tama. “Inaamin ko po na nagkamali ako,” sabi pa nito.

Ang kanyang ikinilos ay hindi umano akma bilang isang tagapaglingkod ng bayan at dahil dito, pinapangako niya na pagsisilbihan nang tama at buong katapatan ang mga mamamayan ng lungsod Quezon.

“I would also like to take this opportunity to inform you about the ongoing misinformation campaign viciously directed against the QC local government on social media. Our analysis shows that this is fueled by thousands of paid trolls. We appeal to everyone to please be very critical about what you read, like, or share. Huwag po tayong magpadala sa “fake news” at trolls. Sa halip na tumulong at makiisa sa lungsod para malampasan ang COVID-19, may mga taong sinasamantala ang krisis para sa kanilang pansariling interes,” sabi pa ni Belmonte.

Inasa-isa nito ang mga fake news na kumalat tungkol sa kanya. Una ay ng sinasabing pagpapauwi umano ng QC government sa 3 COVID-19 patient . Aniya, ang ospital ang nagpauwi sa nasabing mga pasyente at hindi ang lokal na pamahalaan.

“Sa katunayan, sinundo namin ang mga pasyenteng ito mula sa kanilang tahanan at inilipat sa aming Hope 1 facility,” paliwanag ni Mayor Joy.

Pangalawa ay ang balita na overpriced ang pinamahaging food pack sa lungsod na nagkakahalaga ng P2500. Itinama na umano ito ng pahayagan na naglabas ng balita.

Naniniwala si Belmonte na may taong nasa likod ng misinformation campaign na sinasamantala ang krisis upang siya ay siraan.

“Mahaba pa po ang laban kontra sa COVID-19. Ito po ang panahon na kailangan nating protektahan ang isa’t isa. Kasama ng buong Team QC, kayo po ang aming inspirasyon sa patuloy na paglilingkod. Bilang ina ng pinakamalaking lungsod sa Metro Manila na humaharap sa napakabigat na hamon ng krisis na ito, araw-araw naming inaalala ang kaligtasan at kalusugan ng tatlong milyong residente, lalong-lalo na ang mga maralitang tagalunsod,”pahayag pa nito.

“ Ang Quezon City ay hindi lamang po isang lungsod. Ito ang ating tahanan, kung saan tayo dapat panatag at ligtas. Samahan po ninyo kami sa pangangalaga at pakikipaglaban para sa ating tahanan. Sa tulong ng Panginoon, mapagtatagumpayan po natin ang labang ito,” lahad pa ng lady mayor.

Tonite – Wendys Inhouse Ad