Abante Tonite Interactive

Belmonte sablay sa estatwa ni Ninoy

0 725

Pinayagan ng mga anak ng namayapang Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr. ang paglipat sa rebulto ng kanilang ama subalit sa hindi inaasahang pangyayari ay bahagyang nasira ito sa isinagawang road-clearing operation ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Quezon City Ma­yor Joy Belmonte, ang ibabang bahagi ng rebulto ni Ninoy na nakatayo sa kanto ng Timog at Quezon Avenue ay bahagyang nabasag ng mga tauhan ng DPWH habang nagsasagawa ng road-clearing operation upang tugunan ang problema sa daloy ng trapiko sa lugar.

Anang alkalde, kinausap ng lokal na gobyerno ang mga anak ni Ninoy na sina dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III at mga kapatid nitong babae na sina Ballsy, Pinky, Kris at Viel ukol sa paglipat sa rebulto ng ama.

“The Aquino family has given its consent to transfer the statue to a better and more ideal location that is perfect for his stature as national hero. They have no problem about the transfer because it will be for the greater good of everyone who are affected by the heavy traffic in the area,” paliwanag ni Belmonte.

Sa kasalukuyan ay gumagawa na ng special arrangements ang lokal na gobyerno para sa paglipat sa rebulto sa mas magandang lugar.

Naghahanap ang lungsod ng ilang relocation sites, at kabilang sa tinitingnan ay ang Ninoy Aquino Parks and Wildlife at Manila Seedling Bank na pagmamay-ari ng Ayala.

Sinabi rin ng alkalde na sumulat na ang QC government kay Environment Secretary Roy Cimatu upang mag-request ng relokasyon ng rebulto ni Ninoy sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife.

Kung sakaling tatanggi si Cimatu, ayon kay Belmonte ay ililipat ang rebulto sa Manila Seedling Bank.

Nabatid na ngayong araw ng Biyernes ay aalisin na ng QC Department of Public Order and Safety (DPOS) ang estatwa ni Ninoy at ilalagay muna sa temporary storage facility habang naghihintay ng pinal na lugar na paglilipatan nito.

(Dolly Cabreza)