Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Benepisyong natengga

0 184

Habang mainit na pinagdedebatehan ng mga opisyal ng gobyerno ang iba’t ibang isyu sa pulitika at sa COVID pandemic, tahimik namang nagngingitngit ang mga retiradong sundalo at mga pulis dahil sa matagal na paghihintay sa mga hindi naibigay nilang benepisyo.

Partikular dito ang 2018 Pension Increase Differential (PID) na tatlong taon ng hinihintay ng mga pensioners at ang iba ay nakamatayan na ang paghihintay sa kanilang benepisyo.

Makailang beses ng sumulat, nakiusap at humingi ng paliwanag ang iba’t ibang grupo ng mga pensioner mula sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), maging sa Department of Budget and Management (DBM) kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa naibibigay ang kanilang PID at iisa ang malinaw na sagot–wala lang availability na pondo para dito.

Malaking panlulumo ng ilang libong mga pensiyonadong pulis at sundalo sa sagot na ito ng mga opisyal ng gobyerno dahil inaasahan na ng mga ito na matatanggap ang kanilang increase differential.

Ang iba sa mga ito ay naghihimutok dahil tila kinalimutan na sila ng gobyerno , lalo na sa mga naging sakripisyo nila noong nasa aktibong serbisyo pa ang mga ito para ipagtanggol ang bansa sa mga kalaban ng estado.

Ang nakakalungkot ay ang makita araw-araw sa social media pages ng mga retiradong grupo ang isa-isang pagpanaw ng mga pensiyonadong naghihintay sa kanilang 2018 Pension Increase Differential.

Nag-rally na rin ang mga retiradong sundalo at pulis sa harapan ng DBM bago mag-pandemya at ngayon ay nakatakdang ulitin upang kalampagin ang mga opisyal ng gobyerno para ibigay na ang kanilang hinihintay.

Nakapagtatakang walang pondo dahil bago maipasa ang pambansang budget noong 2018 ay kasama ito sa mga pinondohan umano.
May mga balita rin na tinapyasan ang budget at kasamang nahagip dito ang 2018 PID kaya naman ang mga magagaling na mambabatas sa Kamara ay nagsabing magpapasa sila ng supplemental budget para dito.

Pero hanggat walang konkretong naipasang supplemental budget ay mananatiling laway lang ang sinasabing ito ng mga mambabatas.

Ang sabi ng ilan sa mga pensiyonado, ipinagmamalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtataas sa sahod ng mga aktibong sundalo at pulis, subalit bakit silang nakapagsilbi na sa serbisyo ay halos nakalimutan na ng gobyerno.

Nito lamang weekend ay nakatanggap ng text messages ang mayorya sa mga ng retirado kung saan ang kanilang hinihintay na 2018 PID ay hinahanapan pa ng pondo.

Naibigay na nitong Mayo at Hunyo 2021 ang dalawang buwan, ang November at December PID matapos makalampag ang mga opisyal sa isang programa sa telebisyon , at mayroon pang sampung buwang atraso ang gobyerno–January to October 2018 PID.

Sana naman, kung anong bilis ng ehekutibo na hanapan ng pondo ang problema sa COVID-19 ay ganoon din sana ang gagawin sa nakabiting benepisyo ng mga retiradong sundalo at pulis dahil ito lamang ang inasahan nila para pambili ng kanilang maintenance sa gamot at pang-araw araw na gastusin.

Hindi lahat ng mga nagretiro sa AFP at PNP ay mayaman para makapamuhay ng maalwan sa kanilang pagtanda.

Leave A Reply

Your email address will not be published.