Abante Tonite Interactive

Bentahan ng droga buking sa condo

383

Umaabot sa P1.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad at naaresto ang tatlo kabilang ang umano’y miyembro ng ‘lesbian, gay, bisexual, and transgender’ (LGBT) community sa buy-bust operation sa isang kilalang condominium sa Quezon City, Lunes ng madaling-araw.

Kinilala ni Acting Quezon City Police District Director, Police Col. Ronnie S. Montejo ang naarestong sina Zainodin Encio, 45, ng unit 12 21st floor ng condo sa may Diliman, QC; Emi­lyn Luna, 35, LGBT member; at Mark Mercado, 28, binata, graphic artist, pawang taga-QC.

Ayon kay Montejo, naaresto ang tatlo ng pinagsanib na ope­ratiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Galas Police Station (PS-11) sa pamumuno ni Police Maj. Bernardo Pascua Jr. at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Northern Metro Manila District Field Unit.

Aniya, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng mga ‘drug peddling activity’ sa condo kaya agad nagsagawa ng buy-bust alas-tres ng madaling-araw (Nobyembre 18).

Isang pulis ang tumayong buyer at bumili ng P5,000.00 shabu kay Encio.
Naaktuhan pang nagdodroga umano si Mercado at Luna kaya dinampot ang mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang 250 gramo ng shabu na nagkakahalagang P1.7 milyon, buy-bust money at 2 cellphone na ginagamit sa drug deal.

Nabatid na si Encio ay dati nang naaresto sa pagiging bigtime shabu supplier habang si Luna ay kabilang sa ‘drug watch list’ ng Galas Police Station. (Dolly Cabreza)