Abante Tonite Interactive

Bentahan ng pulis uniform babantayan ng PNP

By
1,632

Hihigpitan ng Phi­lippine National Police (PNP) ang pagbebenta ng uniporme ng pulis matapos ang naganap na insidente ng kidnapping sa San Pablo, ­Laguna kamakalawa kung saan nakasuot ng fatigue uniform na ginagamit ng pulisya ang limang napatay na KFR group na ikinamatay din ng isang policewoman.

Ayon kay inco­ming PNP chief Director ­Oscar Albayalde, mahigpit nilang babantayan ang mga pagawaan ng uniporme ng pulis partikular sa paligid ng Camp Crame at kanila nang ipagbabawal ang pagbebenta ng mga police uniform sa mga sibil­yan upang hindi na maulit ang naganap na insidenteng kahalintulad sa San Pablo, Laguna.

“Well, unang-una kaya nga natin hinihigpitan ‘yung pagbili ng uniform, kailangan na kailangan ‘yan. Although talagang meron pa rin kahit saan kasing tinda­han kung minsan puwede kang magpagawa ng uniporme lalo na kung sa mga mumurahing tailoring ‘no? Kaya ito mahigpit nating binabantayan,” saad ni Albayalde.

Matatandaang kamakalawa ng umaga ay naganap ang shootout sa pagitan ng mga KFR group na pa­wang mga nakasuot ng fatigue uniform at kapulisan sa kahabaan ng Maharlika Highway sakop ng Barangay San Nicolas kung saan nakatakda na sanang magkaroon ng payoff ang mga suspek at pamilya ng kidnap victim na si Ronaldo Arguelles, isang high value target na tatlong beses nang nakulong dahil sa kasong pagbebenta ng iligal na droga, na dinukot ng mga ito noong Lunes sa kanilang bahay sa Candelaria, Quezon.

Natunugan ng mga suspek na may mga pulis na nakapaligid sa lugar kaya nanlaban ang mga ito at nakipagpa­litan ng putok sa awtoridad kung saan napatay silang lima habang nasawi din si PO1 ­Sarah Mae Andal, nakatalaga sa Candela­ria Municipal Police Station (MPS) sa lalawigan ng Quezon.