Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bentahe ng pinatagal na ECQ, MECQ

0 249

Buryong na buryong na!

Ito ang nararamdaman ng halos lahat ng mga Pinoy na mahilig gumala, mapa-abroad man o dito lang sa loob ng mga sulok-sulok ng ating sariling bayan.

Hindi pa kasi naibabalik ang bilang ng arawang tala ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa datus ng Enero hanggang Pebrero ng kasalukuyang taon kaya mas matagal na enhanced community quarantine ang ipinapatupad sa mga matataong lugar gaya ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Pero kahit paano, palagay ko ay may dapat tayong pasalamatan sa ipinapatupad ng extended ECQ at MECQ bukod sa misyon na muling pahupain ang bilang ng mga natatamaan ng COVID-19 hanggang sa bumalik ito sa dating bilang na umabot nang mahigit 600 daily cases na lamang at tuluyan nang malusaw.

Aminin man natin o hindi, naghatid ang ECQ at MECQ sa atin ng matinding kamalayan sa mga nangyayari, hindi lamang sa politika, kundi sa iba’t ibang sektor at lugar na sakop ng pagmamay-ari ng Pilipinas kagaya ng West Philippine Sea (WPS).

Kung hindi kasi tayo pinigilang maglalalabas ng bahay kung hindi lang naman talaga ganoong kahalaga ang pakay, aba’y baka hindi siguro natin pansin ang nagaganap sa WPS at baka umabot na hanggang Potipot Island sa Zambales ang pananakop ng China.

Halos lahat, sa pamamagitan ng mga impormasyon na inihahatid ng mainstream media at social media ay alam na ang nangyayari sa WPS at alam na rin nilang natatakot na ang mga mangingisdang Pinoy na manguha ng produktong dagat sa nabanggit na lugar.

Naging mainit na rin ang palitan ng argumento sa kung sino ba ang dapat na sisihin at umabot na sa kasalukuyang estado ang pananakop ng China sa mga lugar na kung titingnan sa mapa ay talaga namang imposibleng maging pag-aari nila, bukod pa sa mga lumabas na kautusan na mga pandaigdigang institusyo kagaya ng United Nations (UN) na parehong bilang ang China at Pilipinas.

Related Posts
SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang problema lang, Pinoy vs Pinoy na ang nagbabangayan ngayon sa naturang usapin sa halip na magkaisa laban sa opensiba ng China.

Ang sabi nga ni Senador Ping Lacson ay puwedeng samantalahin ng China ang pagbabangayan na ito dahil sa ilalim ng ganitong situwasyon, humihina ang pundasyon ng halos lahat aspeto ng isang bansa.

Kung mahina ang Pilipinas, hindi magiging mahirap sa China ang umabante nang umabante hanggang sa gusto nilang maabot.

Literal na tanaw na sa dalampasigan ng Zambales ang mga strukturang itinatayo ng China gaya ng sinasabi ni Senador Ping, dapat na sigurong tigilan ang bangayan ng mga political leaders ng Pilipinas sa kung sino ang sisihin at magkaisa na laban sa mga aksiyon na ito ng China.

Tama, may mga kaalyado ang Pilipinas na kayang magpayuko sa China pero ang dapat na manguna sa pagpapakita ng pagtutol sa ginagawa ng naturang bansa ay ang mismong apektado, at ito ay walang iba kundi ang gobyernong Pilipinas.

Kung hindi magkakaisa at sasamang kikilos laban sa China ang ating mga lider, baka pagkatapos ng ECQ at MECQ ay ituring na lamang tayong turista ng China sa mga lugar na nasa loob ng nasasakupan natin.

Turistang pagbabayarin ng entrance fee, bebentahan ng mahal na seafoods at pagbabawalang pumasok depende sa kagustuhan nila.

Mag-isip na po tayo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.