Abante Tonite Interactive

Best in national costume muntik dumulas kay Ganados

641

Hindi ikinatuwa ng mga kababayan ni Gazini Ganados na hindi man lamang ito pumasok sa Top 10 ng nagtapos na 2019 Miss Universe.

Sa ikalawang pagkakataon ay muling nagkamali ang host na si Steve Harvey sa pag-announce ng mga winner. Sa Best in National Costume, naunang inakala na si Miss Malaysia ang panalo. Ngunit sa pagkaklaro ng mismong Miss Universe Organization ay si Gazini talaga ang wagi sa naturang category.

Ang unang major pagkakamali ng American TV host ay nangyari in 2015 nang ito’y magkamali sa pag-announce ng Miss Colombia sa halip na Philippines ang nanalong Miss Universe.

Ganunpaman, malaki pa rin ang chance ni Gazini na manalo sa ibang international pageant kung ito’y muling sasali sa Bb. Pilipinas and will represent the country sa ibang beauty competitions. Puwede rin siyang sumubok sa Mutya ng Pilipinas 2020.

Ang pagkatalo ni Gazini sa Miss Universe ay siyang pagtatapos ng kanyang journey sa nasabing competition gayundin si Catriona Gray matapos iputong ang korona sa bagong Miss U na si Zozibini Tunzi ng South Africa.

Hindi man pinalad ang Pilipinas sa katatapos pa lamang na Miss Universe competition, tiyak na makakabawi ang Pilipinas sa ibang pagkakataon. Pero sana, hindi na tayo muling maghintay ng 42 years bago ito muling mangyari.

Apat nang Miss Universe crown ang nakuha na ng Pilipinas. Una kay Gloria Diaz in 1969 na sinundan ni Margie Moran in 1973; Pia Wurtzbach – 2015; at Catriona Gray – 2018.

Hindi man naiuwi ni Gazini ang korona, we are still proud sa kanyang naging performance sa Miss Universe competition.

AshMatt sa 2020 ang kasal

Cute ang engaged couple na sina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo sa wedding ng nakababatang kapatid and only girl na si Giorgia Guidicelli sa mister na nito ngayon na si Ian Dato.

Although hindi pa nagbibigay ng detalye sina Sarah at Matteo sa napipintong pag-iisang dibdib, nakatakda umano itong mangyari in 2020.

Itaon kaya ng dalawa ang kanilang kasal either sa birthday ni Matteo on March 26 o sa kaarawan mismo ni Sarah on July 25?

Malamang na hindi mangyayari sa first quarter ng 2020 ang kasal nila dahil gagawin pa ni Matteo sa Viva at Epik Studios ang pelikulang “Penduko” na sa buwan ng Enero sisimulan.

May suspetsa kami na tatapusin muna ni Matteo ang kanyang first major movie sa Viva at maging si Sarah ay magiging abala naman sa paghahanda para sa kanilang back-to-back concert ni Regine Velasquez sa Big Dome (Araneta Coliseum) in February 2020.

Talent manager kinastigo ang alaga

Kinastigo ng isang talent manager ang isa sa kanyang mga alaga dahil sumang-ayon itong mag-guest sa gagawing concert ng kanyang kasintahan. Hindi man lamang dumaan sa tamang proseso. Hindi siya nagpaalam sa kanyang manager.

Porke’t alam ng manager ng singer-actress na hindi umano makakatanggi ang aktor-mang-aawit sa kanyang girlfriend, hindi man lamang binigyan ng importansiya at respeto ng handler ng singer-actress ang manager ng nobyo nito.

Ang hindi lamang matanggap ng manager ng singer-actor ay ang pagiging walang respeto ng handler ng actress. Ang masakit pa, dumiretso rin umano ang manager ng mang-aawit-actress sa isa pang talent ng manager para kunin din umano itong mag-guest sa concert. Ang talent na mismo ang nagpakita ng text sa kanyang manager na lalong ikinagalit nito.

“Bastusan na talaga ito,” bulalas ng talent manager ng singer-actor.

Since miyembro ang talent manager ng singer-actor ng Professional Artists Managers, Inc. or PAMI, idinulog ng talent manager sa body ang kanyang reklamo. Malamang na magkaroon ng action tungkol dito against the talent manager ng singer-actress na wala umanong respeto sa kanyang kapwa talent manager.

Hindi kasapi ng PAMI ang kausap namin.