Abante Tonite Interactive

Best place finish sigurado na! Pilipinas binomba ang Japan

2,056

Pagkatapos ng nakakadismayang talo sa Korea, sumisingasing na bumalik ng Gelura Bung Karno Stadium ang Team Pilipinas Martes ng hapon para pagdiskitahan ang Japan 113-80 sa battle-for-fifth ng 2018 Asian Games men’s basketball.

Nalaglag sa medal contention ang Filipinos nang yumuko sa Koreans 91-82 sa quarterfinals Lunes ng umaga sa Jakarta.
Kontra Japan, mabagal ang umpisa ng Nationals na nakipagsabayan lang para tapusin ang first 10 minutes sa 27-27 count.

Pagdating ng second quarter, nag-init sina Gabe Norwood, Jordan Clarkson at Christian Standhardinger para itulak ang Pilipinas sa 57-47 halftime lead.

Abante Hiring – IT dep

Pagbalik mula sa break, tinapakan pa ng Filipinos ang silinyador, sa basket ni Standhardinger ay umagwat 74-54, inilayo pa ng subo ni Paul Lee sa rumaragasang si Beau Belga 82-61 bago tinapos ng Japan ang period sa buzzer-beating 3 para tapyasin ang lead sa 18.

Nagkaroon ng 3-point shootout sa bukana ng fourth pero hindi makadikit ang Japanese dahil tuwing nakakakonekta sa long range ay may sagot sina Chris Tiu at Lee.

Pagkatapos ng breakaway slam ni Clarkson, sinundan ng nakumpletong and-1 play ni Raymond Almazan nang ma-foul sa throwdown, at five straight points mula kay Standhardinger ay milya na ang layo ng Pilipinas 103-78.

Buong-giting na lumaban ang Japan kahit walo lang ang players nila, apat ang pinauwi noong nakaraang linggo dahil nahuling nag-night out.

May 39.9 seconds pa sa laro, fouled out na ang tatlong players ng Japan, lima na lang ang naiwan.

Isang panalo pa ang kailangan ng Pilipinas para selyuhan ang fifth place, haharapin sa Biyernes ang mananalo sa pagitan ng Syria at Indonesia. Anuman ang resulta ng kanilang huling laban, tiyak na ang Team Pilipinas sa best place finish kumpara sa seventh lang noong 2014 Incheon Asiad.

Tumapos si Standhardinger ng 27 points at 13 rebounds, may 22 points at 9 assists si Clarkson. Umayuda ng 17 points si Lee at namigay ng 7 assists si Stanley Pringle.