Abante Tonite Interactive

‘Best Things in Life are Free’

247

MARAMING buhay na naman ang posibleng mabago sa pagbabalik ng PokerStars Players No Limit Hold’em Championship (PSPC) na gaganapin sa susunod na taon sa Barcelona, Spain.

Naging matagumpay ang unang staging ng torneo na ginanap sa Bahamas noong Enero kung saan pumangatlo ang ating kababayan na si Marc Rivera at nakapag-uwi ng tinatayang P113 milyon. Ang mas maganda pa, libre lang ang seat ni Rivera sa PSPC pati na ang kanyang pamasahe at accommodation dahil sa nakuha niyang Platinum Pass matapos magwagi sa APPT Manila National Main Event.

Si Ramon Colillas ng Spain ang nag-kampeon sa inaugural edition ng PSPC at isa siguro iyon sa dahilan kung bakit sa nasabing bansa gagawin ang susunod na edisyon nito. Platinum Pass holder din si Colillas katulad ni Rivera kaya siguradong pareho silang naniniwala na the best things in life are free.

Ilang daan na Platinum Pass ang ipinamigay ng PokerStars noong nakaraan taon kaya marami ang nabigyan ng pagkakataon na makapaglaro PSPC. Bukod kay Rivera, masuwerte ring nakakuha ng Platinum Pass sina Mike Takayama at Lester Edoc.

Kung walang Platinum Pass, siguradong walang Pinoy na makakasali sa nasabing event dahil bukod sa napakalayo ng Bahamas ay $25,000 pa ang presyo ng isang seat.

Nagsimula na ang pamimigay ng PokerStars ng Platinum Pass para sa next edition ng PSPC kaya siguradong dudumugin na naman ang mga susunod na torneo ng PokerStars hindi lang sa Pilipinas kundi sa lahat ng panig ng mundo.

Sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 6 ay may event ang PokerStars sa Okada pero mukhang hindi pa sila mamimigay ng Platinum Pass doon.

Abang-abang lang muna tayo.