Abante Tonite Interactive

Best time to eat fruits

439

May magandang benepisyo sa digestive system ang pagkain ng prutas araw-araw bilang bahagi ng regular diet.

Pero kung mali o wala sa timing ang pagkain nito, maraming bitamina ang nasasayang lang sa halip na nagagamit ng ating katawan.

Lingid sa kaalaman ng marami, may alituntunin o tamang paraan sa pagkain ng prutas para mas makuha at magamit ng katawan ang vitamins, minerals at nutrients na hatid nito.

Alam kong marami sa atin ang ginagawang pang­himagas ang prutas. Madalas itong isunod pagkatapos kumain ng heavy meal – tuwing tanghalian o hapunan. Sa mga carinderia nga, patok ang pagkain ng saging pagkatapos kumain ng kanin.

Pero teka muna, laging tandaan –maaaring makapagdulot ng problema sa halip na benepisyo ang hindi wastong pagkain ng prutas.

Iwasang sabayan ng kahit na anong pagkain ang prutas maliban kung parehong prutas din. Kapag isinabay o isinunod ang prutas sa iba pang pagkain, naiiwan ito nang matagal sa tiyan kasama ng ibang pagkain at posibleng mabu­lok pagdating sa bituka.

Kaya kung nakararam­dam ka ng parang hindi natunawan, dighay nang dighay, pangangasim ng sikmura at iba pang hindi magandang pakiramdam sa tiyan, ito’y maaa­ring bunga ng kombinas­yon ng maling pagkain na iyong kinain.

Maaaring magdulot ng problema sa kalusugan na kadalasang nagmumula sa digestive tract ang hindi tamang pagkain ng prutas.

Pinakamabisa raw kumain ng prutas tuwing umaga kung kailan wala pang laman ang iyong ti­yan. Kapag kumain ng prutas na walang ibang laman ang tiyan, makukuha mo ang tamang nut­rients nito. Maiiwasan din ang posib­leng problema sa panunaw at mapupuno ng enerhiya ang iyong katawan.

Puwede ka rin namang kumain ng prutas sa kala­gitnaan ng araw. Basta sigu­ruhing inorasan mo ang huling kinain mo.

Kapag kumain ka ng pasta, burger o pizza na sinasabing mabigat sa tiyan, maghintay ng hanggang apat na oras bago kumain ng prutas. Kung light meal naman ang sinundan, normal nang maghintay ng dalawang oras bago kumain ng prutas para tiyak na tunaw na ang pagkain sa iyong tiyan.

Dahil nagtataglay ng sugar ang prutas na nagpapasigla sa diwa at isip, hindi advisable na kumain nito sa gabi kung kailan kailangan mo nang matulog kaagad.

Ang sa akin lang, importanteng alamin ang wastong alituntunin sa pagkain ng prutas para makasigurong makukuha natin ang lahat ng hatid nitong benepisyo.