Abante Tonite Interactive

Bet ni Digong sa pagka-Speaker sa Hunyo 28 malalaman

377

Mayroong hanggang Hunyo 28 si Pangulong Rodrigo Duterte para magpasya kung sino ang ieendorso nito bilang Speaker ng Kamara.

Inihayag ito ni senator-elect Bong Go sa isang ambush interview matapos bisitahin ang mga biktima ng sunog sa Pasig City Miyerkules ng hapon.

Sinabi ni Go na batay sa na­ging mensahe ng Pangulo sa dinner ng mga neophyte congressmen na ginanap sa Malago Clubhouse sa Malacañang noong Martes nang gabi, humingi ito ng konting panahon dahil nahihirapan itong pumili kung sino ang ieendorso.

Ayon kay Go, humiling ang Pangulo ng hanggang Hunyo 28 sa mga bisitang congressman para makapagpasya kung sino ang posibleng iendorso nito na maging lider ng Kamara para sa 18th Congress.

“Actually humingi po ng konting panahon si Pangulong Duterte. Talagang nahihirapan po siya. Lahat naman po ng mga kandidato ay magagaling. Competent po sila. At humingi po si Pangulong Duterte up to June 28,” ani Go.

Ang dinner na dinaluhan ng Presidente para sa mga bagong kongresista ay hindi kasama sa official schedule nito.

Ang anak ng Pangulo na si Davao Representative-elect Paolo Duterte at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang siyang naghanda ng dinner para sa mga kongresista.

Limang kongresista ang nagpahayag ng interes na maging susunod na House Speaker, kabilang dito sina Taguig Representative-elect Alan Peter Cayetano, incoming Leyte Rep. Martin Romualdez, Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales. (Aileen Taliping)