Abante Tonite Interactive

Beteranang aktres ayaw bigyan ng pahulugang alahas

By
6,388

May kasunduan pala ang mga alahera sa showbiz na hinding-hindi nila bibigyan ng mga pahulugan nilang alahas ang isang may edad nang female personality. Ayaw na raw kasi nila ng problema.

Halos lahat sila’y nakunan na ng alahas ng nasabing beteranang aktres, lahat din sila’y nagkaroon ng hindi kagandahang kuwento, kaya dalang-dala na sila.

Kuwento ng aming source, “Paiyakan na nga naman kasi ang ginagawa niyang pagkuha ng mga alahas, hulugan na, pero hindi pa rin siya nakatutupad sa usapan nilang pagbabayad.

“Kapag pinupuntahan siya sa house niya para singilin, e, parang mga turuan ang kanyang mga kasambahay. Hindi pa man natatapos ang pagtatanong ng alahera o ng inutusan niyang maningil sa aktres, e, wala na agad ang sagot ng nagbubukas ng gate nila.

“Tinatawagan din siya ng mga alahera, pero puro pangako ang sinasabi niya. Puro pangako na napapako naman! Hindi pa rin siya nagbabayad, OPM lang palagi ang sagot niya,” pagdedetalye ng aming impormante.

Nu’ng minsan daw ay kitang-kita na siya ng alahera nang magsadya sa bahay niya, pasakay sa kanyang van ang may edad nang aktres, pero ang sabi ng kanyang piloto ay wala raw siya.

“Nu’ng tawagan siya ng alahera at sinabing nakita na siyang pasakay sa van niya, e, nag-deny pa siya. Kapatid daw niya ‘yun, hindi raw siya, dahil nasa probinsiya siya.

“May inaasikaso raw siyang lupain sa kanilang probinsiya na binibili na sa kanila. Kailangan daw niyang pumirma sa bentahan dahil marami silang magkakahati sa pagbebentahan.

“Nag-usap-usap ang mga alahera, pagkabayad sa kanila ng veteran actress, e, ‘yun na ‘yun! Hindi na uli siya makakaulit pa sa pangungutang ng mga alahas dahil isa siyang napakala­king problema!” madiing sabi ng aming source.

Kris itinapon ang kanegahan

Pinagsasaraduhan na ng pintuan ni Kris Aquino ang anumang kanegatibuhan sa kanyang buhay. Puro positibong pangyayari na lang ang iniimbita niya ngayon.

Tama ang kanyang desisyon, mismong ang idolo niyang sikat na banyagang talk show host na si Ms. Oprah Winfrey ang madalas magsabi na huwag na huwag tayong magpapapasok ng negativity sa ating buhay lalo na sa umaga, dahil babaguhin maaapektuhan nu’n ang ating buhay sa maghapon.

Ayon pa kay Aling Oprah, gaano man kaganda ang pananaw natin sa buhay ay siguradong maaapektuhan ‘yun ng mga negatibong bagay na binibigyan natin ng panahon, kaya ang pinakamaganda ay itapon agad-agad ang anumang nega sa ating buhay.

Gusto nang magbuo ng tulay ni Kris sa mga taong minsan isang panahon ay hindi niya nakaunawaan. Isa na si James Yap, ang ama ng kanyang bunsong si Bimby, sa mga pinagparamdaman ng aktres-TV host ng positibong mensahe.

Tanggap na ni Kris na hindi lang naman ang basketbolista ang may kagustuhan sa nangyari sa kanilang relasyon, siya man ay meron ding pananagutan, kaya nang alalahanin ni Kris ang ani­bersaryo ng kanilang lihim na pagpapakasal ay nag-post siya ng mensaheng positibo.

Hiling niya ay maging maayos sana ang lumalaking pamilya nina James at Michela Cazzola, ayaw na niya ng masalimuot na sitwasyon, kahit para man lang sa kanyang bunso.

Sana nga ay isapuso ni Kris ang kanyang sinabi, huwag na sana siyang hilahin ng kanyang emosyon sa negatibong pananaw, tutal naman ay kapayapaan ng kanyang buhay ang tanging hangad niya ngayon.

Matalino si Kris Aquino, alam niya na kapag positibo ang kanyang pananaw ay positibo ang buong mundo, tao lang siyang paminsan-minsan ay nasasaktan din kaya kumakawala ang kanyang mga salita na puwedeng pagsisihan sa bandang huli.