Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Beteranang aktres pinahirapan ang aktor

0 333

Matindi ang pagmamahal ng isang veteran actress sa kanyang propesyon.

Inaalagaan niya ang kanyang trabaho, lahat ay gagawin niya para hindi mapabayaan ang larangang nagbangon at nagpaunlad sa kanyang kabuhayan, prayoridad niya ang pag-arte.

Maraming sumasaludo sa kanyang talento, sa kanyang edad ngayon ay pinakakain niya ng alikabok kahit ang mga bata-bata pang artista sa pagmememorya ng mga linya nila sa palabas, magaling talaga ang beteranang babaeng personalidad.

May kuwento ang aming source tungkol sa veteran actress, sabi nito, “Sa sobrang pagmamahal niya sa trabaho niya, e, hindi niya na napapansin na nakakaabala siya sa ibang tao. Wala sa kanya ‘yun, hindi niya sinasadya.

“Hinding-hindi na makakalimutan pa ng isang sikat na male personality ngayon na nagsisimula pa lang nu’n kung paano siya pinahirapan ng veteran actress,” simulang kuwento ng aming impormante.

Hatinggabi o madaling-araw, tulog na ang buong mundo, kapag naisipan ng beteranang aktres na makipagbatuhan ng kanyang mga dayalog sa male personality ay tinatawagan niya ito.

Patuloy ng aming source, “Nakakaloka, tulog na ang male personality, nag-iipon ng energy para sa taping nila kinabukasan, pero tinatawagan pa rin siya ni ____(ang veteran actress)!

“Sasabihan niya ang male personality, ‘Magbatuhan tayo ng lines para bukas, kasado na tayo sa mga eksenang magkasama tayo!’ Natural, pupungas-pungas na sagot ng male personality, ‘Tita, ilang ulit ko na pong nabasa kanina ang script, okey na po ako.’

“Hindi siya pumapayag, kailangang ensayuhin pa rin nila ng male personality ang mga dayalog nila sa serye. Matagal na batuhan ‘yun kesehodang antok na antok na ang male personality!

“Naku, hindi na makakalimutan pa ng sikat na ngayong male personality ang naging binyag niya ng apoy sa mga kamay ng veteran actress na ‘yun!

“Kaya siguro kahit kailangan niya na ang beteranang personality sa mga seryeng pinagbibidahan niya, e, hindi niya na kinukuha pa dahil baka puyat-puyatin na naman siya sa pagbabasa ng script nila!” humahalakhak na pagtatapos ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

-o0o-

Angelica huling serye na kina Paulo, Zanjoe

May mga personalidad na napagbibintangang suplado at suplada kahit hindi naman. Ang madalas na dahilan ng mood swing ng mga artista ay ang kawalan ng tulog at pahinga.

Nagnanakaw lang sila ng tulog, lalo na kapag sabay-sabay ang ginagawa nilang proyekto, pakakawalan sila nang alas kuwatro nang madaling-araw sa unang taping at alas otso nang umaga ay kailangang nasa set na sila ng pangalawa nilang raket.

Ano pa ang ipagpapahinga nila? Paano pa sila pakikinabangan sa kasunod na trabaho kung sa una pa lang ay kinain na nang buung-buo ang kanilang energy?

At gaano kaganda at kapositibong mood ang maaasahan natin sa mga artistang pigang-piga na ang lakas? Baka kailangan na nilang hanapin sa diksiyunaryo ang tamang pakahulugan ng pagngiti?

Nagbigay na ng pahimakas si Angelica Panganiban na huling-huling serye na niya ang tumatakbong Walang Hanggang Paalam na pinagtatambalan nila ni Zanjoe Marudo at pinagbibidahan ni Paulo Avelino.

Tama siya. Ano pa nga ba naman ang kailangan niyang patunayan sa paggawa ng serye? Lahat ay naipakita na niya, nagawa na niya, ano pa ang hindi niya naipapamalas sa publiko?

At mas tama siya sa kanyang katwiran na gusto niyang magpaalam sa trabahong minahal na niya nang meron pa rin siyang entusiyasmo, hindi pa siya nabuburyong at nagsasawa, kaya ayaw na niyang gumawa uli ng serye.

Halos lahat ng mga artistang nakakausap namin ay sumusuko sa matinding oras at lakas na hinihingi sa kanila ng paggawa ng teleserye.

May karapatang magpahinga at mabuhay ang mga artista.

Leave A Reply

Your email address will not be published.