Abante Tonite Interactive

Beteranang aktres saksi sa pambabastos ng young actress sa ina

0 665

KAHIT pa siguro tawasin nang maraming beses ang isang beteranang aktres ay hinding-hindi na niya magugustuhan ang isang medyo bata-bata pang aktres na walang respeto sa kanyang mga magulang.

Nakasama niya sa isang serye ang magaling umarteng young actress, nakita niya kung paano nito bastusin ang kanyang ina, nagmarka ‘yun sa utak ng veteran actress na napakalaki ng pasasalamat dahil hindi niya naging anak ang young actress.

Kuwento ng aming source, “Naku, talagang ayaw niya sa girl! Harap-harapan kasi niyang nakita kung paano bastusin ng young actress ang mommy niya!

“Gustung-gusto na nga raw niyang tampalin ang bibig ng girl, kaya lang, e, wala naman siyang karapatan! Buti raw at hindi niya naging anak ang young actress na ‘yun na maldita talaga!

“Sabihan ba ng tanga ang mommy niya dahil may nakalimutan lang na kagamitan niya? Ano ba ang mommy niya, alalay? Kung ang alalay nga, e, kailangang respetuhin, ang mommy pa kaya?” inis na pagtatapos ng aming impormante.

Female personality mukhang junk shop ang condo unit

MAY saltik pala ang isang female personality na hindi na masyadong aktibo ngayon sa pag-aartista. Kakaiba ang mga trip niya. Kung minsan ay nag-iipon siya ng mga bote ng softdrinks, pero ang madalas niyang ipunin ay mga beha ng sigarilyo, kaya namamaho ang kanyang condo unit.

Naintriga ang isang male personality sa trip ng female personality, nagsadya ito nang biglaan sa tirahan ng babae, kumpirmado!

Kuwento ng aming source, “Shock boogie ang male personality, kasi, parang junk shop ang place ng girl! Plangga-plangganang upos ng sigarilyo ang tumambad sa kanya, nangangamoy!

“Meron ding mga bote ng softdrinks na hindi pa nahuhugasan, kaya nangangamoy din! Talagang ‘yun ang trip ng girl! Pulot siya nang pulot ng mga upos ng sigarilyo!

“Sa isang part ng unit ng girl, e, sangkatutak na bato rin ang nakita niya. Iniuuwi rin ‘yun ng girl, pinupulot niya sa kung saan-saan, kaya talagang kinilabutan ang male personality sa kanyang napatunayan!” napapailing na kuwento ng aming source.

Deborah ‘di na nadala

HINDI ito ang unang pagkakataong nakulong ang dating artistang si Deborah Sun. Idinemanda siya nu’n ni Lorna Tolentino sa usapin ng mga alahas na kinuha niya sa aktres pero hindi na niya ibinalik.

Sumunod na lang ang pagkakulong niya dahil sa droga, maging ang anak nila ni Jimi Melendez na si Jam ay nakulong din, si Aiko Melendez ang nagpiyansa sa kanyang kapatid sa ama.

Walang kadala-dala! ‘Yun ang nagkakaisang komento ng mga taga-showbiz nang mapabalitang nahuli-ikinulong si Deborah Sun at ang kanyang anak na nagpositibo sa droga.

Napakalawak ng oportunidad na puwede niyang mapakinabangan dahil magaling naman siyang umarte. Sa kabila ng paggamit niya ng droga ay maganda pa rin si Deborah.

Pero mas pinili niyang magpakalubog sa bisyo, tumigil na siyang mangarap, kung sinu-sino na lang ang hinihingan niya ng tulong.

Tigas sa kadedenay si Deborah, hindi raw siya gumagamit ng droga at lalong hindi siya nagbebenta, nadamay lang daw siya sa operasyon ng mga otoridad.

Pero mismong mga pulis na ang nagsasabing positibo silang mag-ina sa droga, matagal na palang sinusundan ng mga otoridad ang kanilang mga galaw, hanggang sa magkaroon na nga ng buy-bust operation.

Marami namang personalidad na minsan na ring naugnay sa droga, pero kinayang magbago, kaya bakit hindi rin ‘yun magawa ni Deborah Sun?

Isang buhay na buhay na ehemplo si Gina Pareño na aminadong nagpakalulong sa ipinagbabawal ng gamot, pero nang mangako ito sa kanyang sarili tungo sa pagbabago ay muling nakabalik sa pag-arte ang aktres, at tumanggap pa nga ng maraming parangal.

Hindi sinasabi lang ang pagbabago, isinasapuso at isinasagawa ‘yun, kapag ginusto ng may katawan ay walang kikitain ang rehabilitation center.