Abante Tonite Interactive

BF dakma sa pagyosi, pagtagay sa anak ng dyowa

330

Naaresto na rin ng pulisya ang isang lalaki na umano’y boyfriend ng ginang na kasabwat nitong pilit na nagpapainom ng alak at nagsusubo ng sigarilyo sa 2-anyos na anak ng huli sa isang apartelle sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brig. General Joselito T Esquivel Jr., ang naarestong si Michael Ramores, 30, ng Brgy. Malanday, Marikina City.

Unang nadakip si Gina, taga-Novaliches, na sinasabing nobya ni Ramores at nanay ng 2-anyos na bata.

Ayon kay Esquivel Jr., alas-8:30 nang umaga (June 10) nang dakpin ang 25-anyos na nanay ng bata.

Sa report kay Esquivel, nagtungo sa kanilang himpilan ang di-pinangalanang ama ng bata makaraang malaman nito na pilit na pinaiinom ng alak ng kaniyang dating misis ang kanilang 2-anyos na anak na lalaki at kinunan pa ng video sa cellphone nito.

Aniya, base sa napanood niya sa nag-viral na video sa social media na may petsang Hunyo 3, ang kanyang ex-wife at isang lalaki na sinasabing kaibigan nito ay pilit na pinaiinom ng alak at sinasaksakan ng sigarilyo sa bibig ang kaniyang anak.

Dahil dito ay humingi ng saklolo ang ama ng bata upang ipaaresto ang kaniyang ex-wife at ang lalaking sinasabing kaibigan nito, na kalaunan ay nalaman din niyang boyfriend ng nanay ng kanyang anak. (Dolly Cabreza)