Abante Tonite Interactive

BF patay sa madugong Lover’s quarrel, GF kritikal

By
1,930

Nauwi sa trahedya ang away ng isang ­Chinese couple matapos na masawi ang isa nang mapilitang barilin ng pulis na rumesponde nang tangkain siyang atakehin makaraang masaksak nito ang kanyang kasintahan na isa ring Chinese, kahapon ng tanghali sa Parañaque City.

Sanhi ng isang tama ng bala ng .9mm na baril sa kanang balikat ay hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Parañaque ang suspek na si Liang Lindo, nasa hustong gulang, at naninirahan sa Puyat St., ng nasabing lungsod.

Patuloy pa ring nilalapatan ng lunas sa nasabing pagamutan ang kasintahan ng nasawing suspek na si Zhao Xueli­lin, Chinese national, pansamantalang nanunuluyan sa Go Hotel na matatagpuan sa Barangay Tambo, matapos magtamo ng tatlong saksak sa leeg at katawan nito.

Base sa isinumiteng report ni Sr. Supt. ­Victor Rosete, hepe ng Parañaque City police, dakong alas-12:30 ng tanghali nang maganap ang insidente sa Puyat Compound, Barangay Tambo ng nabanggit na lungsod.

Batay sa imbestigasyon, rumesponde ang pulis na si PO3 Danilo Bautista, na nakatalaga sa Tambo Police Community Precinct (PCP) sa lugar na sinasabing may nagaganap na saksakan.

Pagdating sa lugar ay nasaksihan mismo ni Bautista ang pananaksak kay Xuelilin na umano’y sinasabing kasintahan ng suspek.

Agad na nagpakilalang pulis si Bautista para mapigilan ang suspek ngunit sa halip na sumuko ay biglang sinugod ng suspek ang pulis at tinangka rin itong saksakin.

Dahil dito ay napilitan ang nasabing pulis na bunutin ang kanyang baril at pinaputukan ang papasugod na suspek.

Kapwa dinala sa nasabing pagamutan ang magkasintahan ngunit idineklarang dead-on-arrival si Lindo habang ang kasintahan ng suspek ay nagtamo ng tatlong tama ng saksak sa leeg at katawan.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente at nakikipagkoordinasyon sa Chinese Embassy upang iulat ang naganap na insidente.

Samantala, ang labi ng suspek ay pansamantalang inilagak sa Rizal Funeral Homes upang isailalim sa awtopsiya.