Abante Tonite
Mabilis sa Balita

BGMA: Bawas Gastos Muna Anak

0 99

Hindi na makahinga ang marami nating tropapips dahil sa sobrang “higpit na nang sinturon” sa ginagawang pagtitipid bunga ng napakataas na gastusin.

Malamang na mapailing si incoming President Bongbong Marcos sa bigat ng problemang dadatnan niya na hindi niya kontrolado–ang oil price hike.

Kahit ang ibang bansa na katulad nating nag-iimport lang ng langis, aba’y nangangamote sa mahal ng produktong petrolyo.

Sa pag-upo niya sa puwesto sa Hulyo, malamang sa malamang na tumaas pa ang inflation rate o bilis ng pagmahal ng mga bilihin at serbisyo. Ang mga marites nating kurimaw, mas madalas na ang huntahan sa kanto dahil hindi na sila namamasyal.

Dahil nga sa mahal ng mga produktong petrolyo, tumaas na rin ang singil sa pasahe, at ubod pa ng trapik, samahan pa ng mahal na bilihin, mas pinipili na lang ng iba na tumunganga sa bahay pagdating ng weekend.

Ang iba nating tropapips na kung dati-rati eh lumalabas at namamasyal linggo-linggo, ngayon, tuwing ikalawang linggo na lang. Ang maganda raw paliwanag sa mga anak kapag nakatengga sila sa bahay– intimate family bonding.

Bukod sa mahal na bilihin, nagmahal din ang singil ng kuryente. Natural naman kasama ‘yan sa domino effect ng oil price hike dahil gumagamit din ng krudo ang mga plantang nagpapatakbo ng enerhiya. Aba’y ano nga ba ang nangyari sa Malampaya gas natin na dating sinasandalan para kahit papaano eh makabawas sa gastos sa enerhiya?

Kaya magiging malaking hamon kay incoming Pres. Marcos ang isyu ng mahal na bilihin pag-upo niya sa Palasyo. Nitong Mayo pa lang kasi, sumipa na sa 5.4% ang inflation.

Aba’y parang sinilihan ang tumbong ng inflation sa bilis ng sirit. Limang porsiyento kasi ang itinaas agad nito mula sa 4.9% ng Abril. Habang noong Mayo 2021, nasa 4.1% lang ang inflation.

Ngayong June, lalo pang umariba ang presyo ng produktong petrolyo. Mantaking mo na may magkasunod na linggo na higit P6 at P4 per liter ang nadagdag sa presyo ng diesel. Sa gasolina naman, P4 at P2/L.

Sa sobrang taas ng presyo ng petrolyo, hindi na kataka-taka mga trapapips kung bakit ngayon ang pinakamabilis na pagtaas ng inflation mula noong December 2018.

Umaaray na rin siyempre ang mga tsuper at maging mga TODA o tricycle driver. Humihirit na rin ng dagdag-pasahe ang mga taxi driver at mga transport network vehicle services (TNVS). Ang nakapagtataka, hirap pa rin ang mga tao na makasakay, at ubod pa rin ng trapik.

Mahal ang mga bilihin sa Metro Manila, pero makakabalita ka ng mga magsasakang nagrereklamo na hindi nabibili ang kanilang mga aning gulay. Ngayon, may panakot pa na magmamahal ang bigas dahil magtataas daw ng presyo ang mga bansa kung saan kumukuha ang mga importer natin.

At dahil ilang buwan na lang eh pasukan na, tiyak na madagdagan pa ang gastusin ng mga magulang dahil tiyak na may mga private school na hihirit ng tuition hike. Iyan eh sa harap na rin ng taeng-taeng kagustuhan ng ilang opisyal na bumalik na sa face to face class.

Kaya ihanda na ang popcorn at abangan kung anong mga direktibang ibibida ng mga bagong economic managers ng bansa na magpapasaya sa mga tao. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Leave A Reply

Your email address will not be published.